
Pinarangalan ang Kapuso actor na si Martin del Rosario dahil sa kaniyang dekalibreng pagganap sa Tayo Lang Ang Nakakaalam, isa sa mga opisyal na lahok sa katatapos lamang na Cinemalaya Independent Film Festival ngayong 2026.
Ginawaran si Martin bilang “Best Performance by an Actor in a Leading Role” sa ginanap na 22nd Cinemalaya Awards Night noong gabi ng Agosto 17. Ito ay para sa kaniyang natatanging pagganap bilang si Neil, ang long-time partner ng karakter na si Bong na ginampanan naman ng aktor na si Miguel Odron.
Sa isang post mula sa opisyal na Instagram account ng pelikula, ipinaabot ng buong team ng pelikula ang pagkalugod sa natamong pagkilala ng lead actor.
“Huge congratulations to Martin del Rosario, for winning 'Best Actor' at Cinemalaya 22: Reel Reflections,” saad sa caption ng naturang post.
Bukod sa team ng pelikula, bumuhos din ang mensahe mula sa kaniyang mga kaibigan at kasamahan sa industriya. Ilan sa mga nagpaabot ng pagbati ay sina Kris Bernal, Sanya Lopez, Sassa Gurl, Connie Sison, Epy Quizon, at Mikoy Morales.
“Ginalingan mo naman masyadooooo. Proud of you, Martin, always!! Ibaaaa kaaaaaaa!! Congratssss!!” sulat ni Kris sa comments section.
“Congrats Martin,” komento ni Sanya.
“Congratsssssss!!!” pagbati ni Sassa.
“Congrats Mart! Galing galing as always!” ani Connie.
“You the man!!!” komento ni Epy.
“YUNO,” sulat naman ni Mikoy.
Muling gumanap si Martin sa isang queer role na hindi na bago sa kaniya. Bagamat may karanasan na sa ganitong uri ng karakter, ibinahagi ng Kapuso actor sa isang ulat mula sa news program na Saksi na naging hamon sa kaniya ang pagganap sa pelikula dahil sa naramdamang “restraint.”
“[Challenging] 'yung atake ng patago, ng restraint kasi nanggaling ako sa TV, sa teatro, lahat ng emosyon kailangang ilabas; ito ang challenging dito, kailangan mo lahat itago, i-hold back,” pahayag ni Martin.
Bukod sa kaniyang indibidwal na parangal, kinilala rin si Martin kasama ang kaniyang mga co-star na sina Miguel Odron, Yayo Aguila, at Epy Quizon matapos tanggapin ang parangal bilang “Best Ensemble.”
Ang panalong ito ni Martin ay karagdagan sa kaniyang mga nakaraang pagkilala sa industriya, tulad ng pagiging “Best Actor” sa CineSilip Festival para sa pelikulang Haplos sa Hangin at “Best Supporting Actor” sa Gawad Urian noong 2015 para sa Cinemalaya film na Dagitab.
Related Gallery: Jaw-dropping photos of multi-awarded actor Martin del Rosario