
Magbabalik na ngayong 2025 ang action drama series na Lolong: Bayani ng Bayan, na pagbibidahan ni Kapuso primetime action hero Ruru Madrid. At sa bagong yugto ng serye ay mas pina-level up ang aksyon at mas marami na ring kakaharapin na kalaban.
“Hindi lang basta isa, dalawang kontrabida makakaharap niya dito, kundi napakarami,” sabi ni Ruru sa panayam sa kaniya ni Aubrey Carampel sa naganap na media con ng Lolong: Bayani ng Bayan para sa 24 Oras nitong January 13.
Ngunit kung maraming bagong makakalaban si Lolong, marami rin siyang mga bagong kakampi na ipinakilala sa naganap na media con. Magbabalik ang ilan sa mga makakasama ni Ruru sa serye, habang ang iba naman ay gaganap bilang mga bagong karakter.
Kabilang sa adisyon sina John Arcilla, Jean Garcia, Martin del Rosario, Paul Salas, Rocco Nacino, Rochelle Pangilinan, Nonie Buencamino, Leo Martinez, Nikki Valdez, Mikoy Morales, Rodjun Cruz, Klea Pineda, at marami pang iba.
“Mas malaki talaga siya in a way, at the same time mas malaki 'yung cast. Before, parang nasa 12, 14 lang yata 'yung main cast. Pero ngayon, parang I guess umabot na kami ng 50 plus,” sabi ni Ruru.
Bukod kay Ruru, magbabalik din ang love interest ni Lolong na si Elsie, na ginagampanan ni Shaira Diaz. Masusundan ang kanilang love story sa season 2 at masasagot din ang ilang mga katanungnan.
Kuwento ni Shaira ay ipapakita ang maturity ng mga karakter nila sa upcoming season 2 ng Lolong, at kung ano na ang kinahinatnan nila ilang taon pagkatapos ng unang yugto ng serye.
“Si Elsie dito, teacher na, si Bokyo dito, pulis na, si Lolong may iba't ibang trabaho siyang pinapasok so nakakatuwa kasi hindi kinalimutan din ng writer na i-include 'yun, 'yung growth ng mga characters namin,” sabi ni Shaira.
Samantala, patuloy naman ang paghahanda nina Ruru at iba pang cast na muling nag-training ng Filipino martial arts para mas ma-highlight pa ang kulturang Pilipino.
“Uunahin natin 'yung sariling atin and 'yun 'yung gusto kong maibahagi sa kabataan ngayon, na meron tayong ganito at pwede nating ipagmalaki,” sabi ni Ruru.
Dagdag ni Shaira, “mas lalong mabubusog” ang mga manonood visually dahil sa lawak ng pwedeng ikutin ng kwento.
Panoorin ang panayam kay Ruru at Shaira dito:
TINGNAN ANG PAGHAHANDANG GINAWA NINA RURU, MARTIN, AT PAUL NG FILIPINO MARTIAL ARTS SA GALLERY NA ITO: