
Seryoso ang ilang bahagi ng panayam ni Boy Abunda sa Kapuso actor na si Miguel Tanfelix sa kanyang programa na Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, February 9.
Bukod sa kanyang past relationships, isa sa kanilang napag-usapan ay ang naging buhay ni Miguel mula sa pagiging child star hanggang sa pagiging Kapuso leading man.
“You started at five, 'tapos you've been in the business for almost 20 years,” ani Boy.
Tanong pa niya kay Miguel, “May sense ka ba na parang na-deprive ka? For a lack of a better word, ninakaw ang kabataan mo ng iyong pag-aartista?”
Hindi naman nag-alinlangan si Miguel na sabihin ang isa sa mga bagay na hindi niya nakuha dahil sa tuloy-tuloy na pag-aartista -- ang pag-aaral.
Kuwento ng aktor, “Kapag tinatanong ako niyan Tito Boy, ang naiisip ko lang naalala ko 'yung conversation namin sa Voltes V: Legacy. Lahat sila nag-uusap ng mga lahat ng ginawa nila noong high school, college tapos ako parang wala ako masyado maiambag.
Dagdag pa niya, “So medyo nagse-self pity ako noon sa isang tabi kasi ako gustong-gusto ko pong mag-aral, e, pero dahil wala ngang time medyo na-insecure po ako noon na parang ano kaya 'yung pakiramdam na estudyante ka, lumilipat-lipat ka ng room, building, magmamakaawa ka sa mga prof mo para ipasa ka. So isa po 'yun sa insecurities ko.”
Matapos ito, tinanong din ni Boy kung naisip na rin ba ni Miguel na iwan na ang show business.
“Pero walang pagkakataon na, 'Ayoko na pagod na ako.' You are a seasoned actor at 24,” wika ni Boy sa aktor.
Sagot naman ni Miguel, “Actually, Tito Boy, lately ko lang na-seryoso 'yung pag-acting e. So feeling ko nagsa-start pa lang po ako.”
Sundot pa na taong ni Boy, “Noong five ka, alam mong nagta-trabaho ka?”
“Hindi pa. Laro lang,” mabilis na sagot ni Miguel.
Sa parehas na panayam, ibinahagi rin ni Miguel na nasanay na rin siya sa mga puna ng mga tao sa kanya bilang isang public figure.
Aniya, “Hindi niyo po kasi matatago 'yan e kapag nasa public eye po kayo. Meron at meron silang mako-comment. Meron at meron silang sisitahin sayo. So in a way, medyo nasanay na rin po ako sa kung paano ako tingnan ng mga tao.”
Samantala, mapapanood naman si Miguel bilang si Steve Armstrong sa live-action adaptation ng GMA ng anime series na Voltes V: Legacy malapit na sa GMA Telebabad.
Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:50 p.m. sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
SILIPIN ANG HOTTEST PHOTOS NI MIGUEL TANFELIX SA GALLERY NA ITO: