
Isang kuwento ng pamilyang haharap sa matinding pagsubok ang tampok sa “Bentilador” episode ngayong Sabado sa bagong Wish Ko Lang.
Si Alfred Vargas bilang si Obet / Source: Wish Ko Lang
Ang aktor na si Alfred Vargas ang gaganap bilang padre de pamilya na si Obet, habang si Rochelle Pangilinan naman ang kanyang ilaw ng tahanan na si Jennifer.
Si Rochelle Pangilinan bilang Jennifer / Source: Wish Ko Lang
Samantala, sina Ayeesha Cervantes at Kyle Ocampo naman ang gaganap bilang ang mga anak nilang sina Jane at Jovelyn.
Hirap sa buhay mag-asawang Obet at Jennifer at may cerebral palsy din ang anak nilang si Jovelyn.
Sa sobrang hirap ng kanilang buhay ay hind nila magawang palitan ang bentilador nilang madalas masira.
At para matustusan ang pangangailan ng kanyang pamilya ay napilitang magtrabaho si Obet para sa dati niyang nobyang si Scarlet, na gagampanan ni Maricar de Mesa.
Si Maricar de Mesa bilang Scarlet / Source: Wish Ko Lang
Malaki kasi ang sweldong inaalok sa kanya kaya kahit nag-aalangan ay kinuha na lang ni Obet ang oportunidad na ito.
Ang hindi niya alam, may balak pala ang dating nobya na si Scarlet na akitin siya at maagaw mula sa asawa niyang si Jennifer.
Para kay Alfred Vargas, kung malagay man daw siya sa kaparehong sitwasyon ni Obet, baka mapilitan din siyang magtrabaho para sa isang ex-girlfriend.
“Kung talagang wala nang choice, I'll do everything for my family. Pero ipapaalam ko agad sa misis ko. (laughs)”
Dagdag pa ni Alfred wala naman daw talagang masama kung magtrabaho ang isang tao para sa dating karelasyon.
“Okay lang as long as malinaw ang boundaries at intention at walang masasaktan along the way.”
Nagbigay din siya ng payo para sa mga hindi pa rin maka-move on kahit may pamilya na ang kanilang ex.
“Mag-move on na. Mag-focus na sa family dapat. Lalo na para sa anak.”
Para naman kay dating Sexbomb member and Kapuso actress Rochelle Pangilinan, mas mainam na huwag na lamang magtrabaho ang isang tao para sa kanyang dating karelasyon.
“Siguro hindi na. Kasi dati mo na siyang nakarelasyon, ibig sabihin nagkagustuhan kayo dati. And kung may pamilya ka na or karelasyon na, baligtarin mo lang lagi ang sitwasyon .
“Huwag mong simulan or pasukin ang isang sitwasyon na alam mong sa bandang huli ay ikaw din ang mahihirapan. Before you know it baka nasa bingit ka na. Kaya simula pa lang, umiwas ka na.
“Puwede naman maghanap ng ibang trabaho para matustusan ang pamilya. Marami namang options, basta magsipag at magtiyaga lang.”
Nagbigay din ng payo si Rochelle sa mga hirap maka-move on sa mga ex nilang may pamilya na.
“Sa ayaw at sa gusto nila, kailangan nilang mag-move on. Kaya nga “ex” kasi tapos na. So dapat tapusin na nila ang kung anumang nararamdaman nila.
“Sa una lang naman masakit. Kailangan mo ring turuan ang sarili mo malimutan ang lahat. Kapag hindi ka nag-move on maaaring makasira ka lang ng isang pamilya at siguro naman ayaw mo ring mangyari sa'yo 'yun.”
Alamin kung maaakit ba ng dating nobya ang karakter ni Alfred Vargas sa “Bentilador” episode ng bagong Wish Ko Lang, ngayong Sabado, alas-4 ng hapon sa GMA-7.
Manalo ng negosyo package sa 'Tuloy Pa Rin Ang Pasko" promo ng bagong 'Wish Ko Lang'