
Matapos ang masasakit na salita at pangtataboy, handa na kaya si Mookie (Shayne Sava) na patawarin ang kaniyang Nanay Emma (Katrina Halili) sa Mommy Dearest?
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay ilang beses pinilit ni Emma na makausap ang kaniyang anak na si Mookie para magpaliwanag sa kaniyang pagkawala. Ngunit tila tumigas na ang puso ng kaniyang anak at ayaw siyang pakinggan nito.
Sa katunayan, ipinahayag pa ni Mookie sa kaniyang nanay ang suporta niya sa kasal ng kaniyang tatay Danilo (Dion Ignacio) at Mommy Jade (Camille Prats), bagay na halatang nakasakit kay Emma.
Ngunit hindi pa rin sumuko si Emma at pilit kinukuha ang loob ng kaniyang anak, hanggang sa huli ay pinagtabuyan na siya ni Mookie at sinabing hindi na niya kailangan ang kaniyang nanay.
Sa episode nitong Biyernes, June 27, muling sinubukan ni Emma na makuha ang loob ng kaniyang anak. Sa katunayan, inalok pa niya si Mookie na tuturuan lumangoy, ngunit hindi ito pumayag at sinabing lumayo na lang siya, bago tuluyan tumalon sa pool.
Ilang sandali pa ay nagsimulang malunod si Mookie. Dahil nagkaroon ng komprontasyon sina Emma at Jade, hindi kaagad nila napansin ang nangyayari sa dalaga hanggang sa makaalis ang huli.
Nang mapansin ni Emma ang nangyayari sa anak, agad itong tumalon sa pool para iligtas ito. At sa tulong ni Danilo, nadala nila kaagad ang kanilang anak sa clinic. Sa paggising ni Mookie, ang una niyang hinanap ay si Emma.
BALIKAN ANG BEHIND THE SCENES NG PHOTOSHOOT PARA SA 'MOMMY DEAREST' SA GALLERY NA ITO:
Ngunit ayon kay Jade, umalis din kaagad si Emma kasama si Logan na parang nagmamadali at may pupuntahan. Dahil dito ay nalulungkot si Mookie at sumama pa ang loob sa kaniyang nanay.
Ngunit sa kwento ni Zayn (Prince Carlos) na narinig niya kay Flor (Riel Lomadilla), nalaman ni Mookie na hinarang lang ng kaniyang tita ang nanay Emma niya kaya wala ito noon sa clinic. Kaya naman, nagpatulong siyang muli sa binata para hanapin ang kaniyang nanay.
Kapag nalaman na ni Mookie ang totoo mula kay Emma, handa na kayang patawarin ng dalaga ang kaniyang nanay?
Abangan ang 'Mommy Dearest' Lunes hanggang Biyernes, 3:20 p.m. sa GMA Afternoon Prime at Kapuso stream.