
Ang 38-year-old actor na si Joross Gamboa ang isa sa inaabangan ng mga manonood sa upcoming drama series na The Missing Husband.
Mapapanood si Joross sa serye bilang si Brendan, ang charming ngunit may pagkamayabang na college schoolmate nina Anton at Millie (Rocco Nacino at Yasmien Kurdi).
Sa naging panayam ng GMANetwork.com sa aktor, ibinahagi ni Joross kung ano ang kahulugan ng pag-arte para sa kanya.
Sagot ni guwapong aktor, “Para sa akin, ang pag-arte ay isang privilege. Bakit? Kasi bilang artista, nakaka-experience ka ng iba't ibang sitwasyon, circumstances. It helps you [me] grow as a person. Mas lumalawak ang iyong pag-unawa sa mundo.”
Sa ilang Instagram posts, una nang ibinahagi ng aktor na kabilang siya sa cast ng bagong GMA series.
Ang The Missing Husband na mapapanood ngayong 2023 sa GMA Afternoon Prime ay idinidirek ni Direk Mark Reyes.
Tiyak na marami ang makaka-relate sa istorya nito dahil ilang scam-related issues ang tampok sa naturang television series.
Iikot ang kwento sa buhay at mga problemang kakaharapin ng mag-asawa na sina Anton at Millie at sa mga tao sa kanilang paligid at sa iba pa nilang makakasalamuha.
Samantala, bukod kina Joross, Rocco, at Yasmien, parte rin ng pangmalakasang mystery drama series sina Jak Roberto, Nadine Samonte, Sophie Albert, at marami pang iba.
KILALANIN ANG CAST NG UPCOMING AFTERNOON SERIES NA THE MISSING HUSBAND SA GALLERY SA IBABA: