Showbiz News

Jennylyn Mercado, inaming malaking adjustment ang ginawa sa pagbabalik teleserye

By Kristian Eric Javier

Sa pagbabalik teleserye ni Kapuso Ultimate Star Jennylyn Mercado matapos ang halos dalawang taon na pag-aalaga sa kanyang pamilya at baby nila ni Dennis Trillo na si Dylan, inamin ng aktres na malaking adjustment ang ginagawa niya para mapagsabay ang acting and mother roles.

Sa isang online interview ng cast ng serye nilang Love, Die, Repeat kay Nelson Canlas sa 'Chika Minute' para sa 24 Oras, inamin ni Jennylyn na “gradually” ay pinaghahandaan na niya na hindi siya makita palagi ni Dylan dahil sa trabaho.

“Kapag meron akong mga free days, medyo umaalis alis ako. Nagmo-mall ako, tapos ita-try ko na hindi muna ako magpapakita,” sabin ito.

Dagdag pa ng aktres, “Doon muna siya sa room niya, para medyo masanay na siya na hindi ako masyadong nakikita, hindi ako masyadong nandyaan.”

“Kasi sa ngayon, talagang kailangan niya ako na nadoon sa tabi niya, so medyo malaking adjustment in talaga para sa akin,” pagpapatuloy nito.

Nang tanungin siya kung ano ang pakiramdam ng pagbalik niya sa teleserye matapos ang halos dalawang taon, ang sagot ni Jennylyn, “Kinakabahan ako katulad nilang lahat kasi para akong nagsisimula ulit.”

“Nag-focus sa pagiging mommy kay Dylan, nag-focus sa pagiging wife, pero I'm sure nandiyan 'yung co-artists ko, nandiyan 'yung production, nandiyan sina direk para tulungan din akong i-motivate 'yung sarili ko na 'Ay, kaya mo 'yan,'” she said.

Nagbigay na ng hint si Jennylyn tungkol sa comeback niya nang mag-post siya ng picture niya kasama ang ilang producers sa kanyang Facebook page na may caption na “Soon… #TheUltimateComeback."

Makakasama rin ni Jennylyn sa serye ang Hearts on Ice star na si Xian Lim, sina Gardo Versoza, Ina Feleo, Valeen Montenegro, at marami pang iba.

Sa online interview, ipinahayag ni Xian ang saya at excitement niya na “ipakita itong kakaibang istorya ng Love, Die, Repeat."

“I feel very honored and privileged na parte pa rin po ako ng proyektong ito,” dagdag pa ng aktor.

Nang tanungin ito kung tingin ba niya ay tama ang timing ng pag-reshoot nila ng proyekto, ang sagot ng aktor, “I think so.”

“Because ang daming limitations and ang daming restrictions when we were first doing it. I think 'yung materyal po na meron kami is meant for us to be in a lot of places, hindi lang sa isang location or parang limitado doon sa restrictions ng COVID during that time,” sabi nito.

SAMANTALA, TINGNAN DITO ANG MASAYANG MODERN FAMILY NINA JENNYLYN AT DENNIS: