Showbiz News

Jennylyn Mercado, kabado nga bang mag-perform muli ng live?

By Kristian Eric Javier

Matapos ang halos dalawang taong pahinga ay nagbalik na sa limelight si Ultimate Star Jennylyn Mercado sa upcoming serye nito na Love. Die. Repeat. At dahil matagal nang hindi nagpe-perform live ay aminado ang aktres na kabado siya para rito.

Sa interview niya kay Nelson Canlas sa “Chika Minute” para sa 24 Oras ay ibinahagi ni Jennylyn na naghahanda na siya at kaniyang mga co-stars na maglibot para i-promote ang kanilang bagong serye.

“First time kong magsho-show ulit out of town, first time kong kakanta ulit sa harap ng maraming tao kaya kinakabahan ako, kinakabahan talaga ako, sa totoo lang,” pagbabahagi ng aktres.

Ibinahagi rin nito kung papaanong nag-iisip na siya kamakailan lang kung anong kanta ang magandang i-perform sa kanilang mga promotional shows.

“Kasi baka hindi na nila gusto 'yung mga dati kong kinakanta so 'yun, medyo nag-aaral-aral na ng mga bago pang show, ganyan,” pagbabahagi niya.

Isa sa mga bagong kanta na pinerform ni Jennylyn ay ang original song ni The Clash season 4 finalist Vilmark Viray na “Lisan” bilang official theme song ng kanilang serye.

Nang tanungin ang aktres kung bakit ito ang napili nilang kanta, ang sagot ni Jennylyn, “Malungkot 'yung lyrics na bagay na bagay dun sa soap. Mahirap 'yung kanta, kasing hirap nitong show na 'to.”

Dagdag pa niya, “Malungkot, tungkol sa paglisan na paulit-ulit na nangyayari so I think fit na fit siya dito sa Love. Die. Repeat.”

BALIKAN ANG MGA PHOTOS NOONG NAKA LOCK-IN TAPING PA ANG LOVE. DIE. REPEAT. DITO:

Sa isang interview, ibinahagi ni Vilmark na sinulat niya ang kantang “Lisan” para sa kaniyang amang pumanaw na.

“There was an event during Christmas kung saan nawala 'yung tatay ko. I wrote this song during the first night of my father's wake so can you just imagine kung gaano po kadaming emotions 'yung nandito sa kantang 'to,” pagbabahagi nito.

Ngunit kahit mahirap, ibinahagi rin ni Jennylyn na grateful siya na natapos na silang mag-shoot ng serye makalipas ang ilang taon.

“Ang tagal namin itong binuo, itong show na 'to three years ago, tumuloy ng June hanggang November, so mahaba-haba rin 'yung panahon na magkakasama kaming lahat,” sabi niya.