Showbiz News

Marian Rivera, nag-react sa request ng fans na 'Marimar' dance

By Marah Ruiz

Maraming ipinagpapasalamat ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa taong 2023.

"Unang una na sa lahat diyan 'yung pamilyang mayroon ako, and then 'yung sobrang daming blessings na talaga namang hindi ntatapos, at saka siyempre sa mga taong sumusuporta at nagmamahal. Sana huwag silang magsawa," pahayag ni Marian.

Nagsisimula na siya sa paghahanda para sa pagbabalik niya sa primetime kung saan makakatambal niya ang aktor na si Gabby Concepcion.

May pelikula rin siya sa parating na Metro Manila Film Festival na pinamagatang Rewind kung saan balik-tambalan naman sila ng asawa niyang si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.

Isa pang blessing na dumating kay Marian ang pagkilala sa kanya bilang Breakthrough Creator of the Year sa Best of TikTok PH Creator's Night 2023.

Matatandaang nag-viral ang dance video ni Marian sa kantang "Price Tag" ni Jessie J. Sinundan niya ito ng ilang pang dance videos na naging patok din sa platform kabilang ang original song niyang "Sabay Sabay Tayo."

Madalas namang i-request ng kanyang fans at followers na i-remake ni Marian ang iconic dance mula sa hit series na Marimar.

Mahalaga ang Marimar para kay Marian dahil ang Philippine adaptation nito noong 2007 ang nagpa-usbong ng kanyang career. Dito rin niya nakilala ang asawang si Dingdong na naging leading man niya sa serye.

Dahil diyan, may pangako si Marian para sa kanyang mga fans na gustung gustong makita siyang muli bilang si Marimar kahit sa isang maikling dance video lang.

"Gusto ko kasing gawin siya na may effort ako. Ayaw kong gawin siya nang sinayaw ko lang kaya hintayin nila 'yun," lahad ng aktres.

Image Source: marianrivera (Instagram)



Samantala, nakatanggap rin ng pagkilala ang Sparkle stars na sina Sofia Pablo at Allen Ansay sa Creator's Night 2023 ng TikTok PH.

Hinirang sila bilang Power Couple of the Night kaya binalikan nila ang pagsisimula nila sa platform.

"Naaalala ko pa 'yung isang Tiktok lang namin, doon na nag start lahat--'yung love team namin, 'yung paggawa namin ng Youtube--doon kami nakakuha ng maraming fans," bahagi ni Allen.

"Of course we're thankful sa GMA and Sparkle for recognizing our love team pero we really owe our love team to TikTok. Kung wala 'yung platform na TikTok, wala kaming napagpakitaaan noong chemistry. Doon po talaga nagsimula 'yung lahat, sa isang video na 'yun," dagdag naman ni Sofia.

Dumalo rin sa TikTok PH Creators Night 2023 ang Kapuso couple na sina Megan Young at Mikael Daez.

Patok na patok sa TikTok ang mga funny videos nila tungkol sa buhay mag-asawa.

"Whatever you see on TikTok, ganoon lang din naman kami. Minsan may mga nangyayayari in real life na nakakatawa, sinusulat ko 'yun para gawin naman naming sketch. So I guess kung may scripted man, 'yun 'yung mga bagay na inuulit namin," kuwento ni Megan tungkol sa proseso ng paggawa nila ng videos.

Panoorin ang buong ulat ni Aubrey Carampel para sa 24 Oras sa video sa itaas.