
Opisyal na ipinakilala sina Kapuso teen stars Bryce Eusebio at Princess Aliyah bilang bagong Sparkle love teams, kasama sina Marco Masa at Ashley Sarmiento, sa isang event na idinaos sa Quezon City kamakailan.
New love teams alert! Marco Masa, Ashley Sarmiento, Bryce Eusebio, and Princess Aliyah bring on the kilig
Sa panayam ng entertainment press, ibinahagi nina Bryce at Princess, o PrYce, ang kanilang reaksyon nang malaman ang tungkol sa kanilang love team.
Ayon sa dating Royal Blood actress, excited at masaya siyang maging ka-love team si Bryce dahil isa ito sa kanyang mga kaibigan. Katunayan, kabilang sina Bryce at Princess Aliyah sa Sparkle Teens na inilunsad noong nakaraang taon.
“Siyempre po na-excite and, at the same time, natutuwa ako kasi nung nalaman ko na 'yung ka-love team ko is someone that I know and friends kami, sobrang tuwang-tuwa ako kasi I can work with him very comfortably,” pagbabahagi ni Princess Aliyah.
Labis naman ang pasasalamat ni Bryce sa Sparkle at GMA dahil sa oportunidad na ito dahil aniya'y magiging malaking bahagi ito ng kanilang mga karera.
“I feel very thankful, lalo na sa management kasi hindi lahat nabibigyan ng ganitong opportunity and I know that this will be a big part of our careers din. We're very grateful po sa management,” saad niya.
Bukod dito, ibinahagi rin nina Bryce at Princess Aliyah ang mga katangiang nagustuhan nila sa isa't isa. Para kay Bryce, gusto niya ang pagiging mature ng aktres, pati na rin ang sense of humor nito.
Aniya, “She's very mature kapag kausap. Mature siya pero palabiro rin si Princess. Nakakatawa rin siya lalo na kapag off-cam na magkausap kami, may mga banat 'yan na natatawa talaga ako.”
Samantala, gusto ni Princess Aliyah ang pagiging hygienic at masipag ni Bryce sa kanyang trabaho.
“Sobrang linis niyang tao, as in sobrang hygienic. And sobrang sipag niya talaga, as in lahat napagsasabay niya,” ani ng Kapuso teen star.
Nang tanungin tungkol sa kanilang dream project, nais nina Bryce at Princess Aliyah na gumawa ng isang action project.
“Feeling ko, gusto ko action, parang siya 'yung Mafia boss [laughs],” sagot ni Princess Aliyah.
Dagdag ng former child actor, “Hindi pa namin napapag-usapan 'yan pero ako rin, isa rin 'yung action sa genres na gusto ko talagang magawa. Action ang dream namin.”
Ngayong Pebrero, bibida ang PrYce sa ikalawang istorya ng Sparkle TikTok Kilig Series na “Beyond the Game,” na mapapanood simula February 16 hanggang 22 sa Sparkle GMA Artist Center official TikTok account.
Mapapanood ang full episodes nito sa official YouTube channel ng Sparkle.