Showbiz News

Paolo Contis at Pekto: Funny disciplinarians

By ANN CHARMAINE AQUINO

 
Nakilala bilang mahuhusay na komedyante sina Paolo Contis at Pekto kaya’t marami ang napapaisip kung may funny moments din ba sila sa kanilang mga anak? Dahil dito, nagkuwento sila ng kanilang mga lessons mula sa kanilang mga ama at kung paano nila ito ina-apply ngayon na may mga anak na sila sa Sarap Diva.
 
Ibinahagi ni Pekto na noong bata siya, hindi siya pinagbuhatan ng kamay ng kanilang ama.
 
Dagdag ni Paolo, "Same [lang kay Pekto]. 'Yung dad ko kasi never ako nakatikim ng mura at palo, wala, puro usap."
 
Ang pagdidisiplina umano ng ama nina Paolo at Pekto ay naia-apply naman nila sa kanilang mga anak ngayon. Kahit sanay ang dalawa sa pagpapatawa, alam umano ng kanilang mga anak kung galit na ang kanilang mga ama.
 
"Ako sa akin, na-a-apply ko [ang pagdidisiplinang ginawa ng aking ama]. Minsan may mga pagkakataon na nagagalit ako. Mayroon kasing time na alam na ng mga anak ko na galit na talaga ako," kuwento ni Pekto.
 
Dagdag niya, "Alam nila na yung oras na galit na ko, siguro sa tono ng boses ko at saka sa bahay kapag alam nilang serious na ako tapos makikipag-usap sila alam nila yun. Madalas kasi masaya lang kami, makulit kasi yung mga anak ko, makulit rin ako."
 
Kuwento ni Paolo kahit bihira niya makasama ang kanyang dalawang anak na babae, sinisigurado niyang hindi mai-spoil ang mga ito.
 
Aniya, "Ayoko naman na maging spoiled lalo na kapag dumating sa akin magwawala na sila, hindi puwede yung ganoon. Napapagalitan ko pa rin kasi four and three lang naman kasi yung dalawang kids ko."
 
Ibinahagi rin ni Paolo na kung may ginawa mang mali ang kanyang mga anak, nakukuha naman sila si tingin. "Konting tingin lang iiyak na 'yan, [tapos kapag nakita ko na] wala na tunaw na ako," pagtatapos ni Paolo.
 
Busy man ang funny dads sa kanilang mga showbiz commitments, sinisigurado pa rin umano nina Paolo at Pekto na mabibigyan nila ng panahon ang kanilang mga anak. 
 
Ang kanila naman umanong pagiging komedyante ay nagiging daan para masaya ang kanilang mga anak lalo na kung malungkot sila. Kuwento ni Pekto, "Mayroong times kasi na kapag malungkot yung mga anak ko, niloloko ko lang sila na parang, nagpapaka-Pekto ako na makulit. Hinahawakan ko sila, nag-bonding kami, nag-wrestling kami doon sa kama. Kulitan lang, okay na kami."
 
Para kay Paolo, dahil maliit pa ang kanyang mga anak mas madali umano silang pangitiin. Aniya, "Mag-make face ka lang masaya na sila e. Yung ang masarap e, 'pag maliit pa ang mga bata. Sobrang lambing pa nila, kapag malungkot sila madaling pasayahin."