Showbiz News

Ana Feleo at Roxee B., gustong maging ninang ng future kids ng DongYan

By SAMANTHA PORTILLO

 
Masasabing for the books ang August 9 episode ng Marian dahil bukod sa pagtitipon-tipon ng pinakamalalapit na kaibigan at pamilya ng Primetime Queen para sa kanyang birthday celebration, nag-propose rin ang Primetime King sa kanya.
 
Isa sa mga pinaka nakakatuwang bahagi ng programa ay ang interview nina Marian at co-host nitong si Paolo Ballesteros sa Lola Francisca at Mommy Amalia ni Marian. Nakisaya rin ang best friends ni Marian na sina Ana Feleo at Roxee B.
 
Ayon kay Lola Francisca, mabait na bata si Marian, ngunit may kakulitan noong bata pa siya. Si Mommy Amalia naman, walang masabi kay Marian bilang anak dahil napakabait nito. Ito raw ang pinaka hinahangaan niya sa kanyang anak.
 
Naging makuwela naman ang interview kina Ana at Roxee. Naging close silang tatlo sa Amaya. Ayon kay Ana, malakas daw magpakain si Marian sa set. 
 
Sabi naman ni Roxee, sobrang professional na artista ni Marian.
 
“Memorize niya ang lahat, hindi lang linya niya. Pati linya ng ibang tao memorize niya, kaya bawal magkamali kapag kasama mo si Marian sa set,” aniya.
 
Dagdag ni Ana, “’Pag sinabing 8 am, 8 am talaga nandiyan na siya. 7:50 pa lang, naka hair and make-up na ‘yan at tapos na ‘yan mag-breakfast. Talagang 8 en punto, roll na agad. Ang daming natatapos.”
 
Ano naman kaya ang kanilang birthday wish para kay Marian?
 
Kuwento ni Roxee, na kay Marian na raw ang lahat. Napaka-loyal na kaibigan daw nito, mabait na anak at Christian. Nagpapasalamat siya kay Marian sa pagiging instrument nito upang mas mapalapit siya sa Panginoon. 
 
Aniya, “Sobrang thank you talaga. Ang wish ko sa’yo, makuha mo pa ang mga sinulat mo dati sa notebook noong bago ka magsimula maging artista. ‘Yung clubhouse mo, wish ko matuloy na ‘yan, dahil ikaw lang ang bukod tanging kaibigan ko na magkakaroon ng clubhouse. At saka gusto ko nang maging ninang ng twins!”
 
Napakataas naman daw ng respeto ni Ana para kay Marian dahil alam niyang marami itong napagdaanan at nalampasan dahil sa kanyang tatag.
 
Aniya, “Alam ko na ang tibay tibay mo kasi kahit ano ‘yung ibato sa’yo, kahit nag-iisa ka lang o kahit kaming dalawa lang ang kaibigan mo, nandiyan kami para sa ’yo pero kinaya mo lahat. [I wish you] peace, more love and gusto ko sanang maging ninang ng babies mo. Ako na ang bahala sa music nila.”
 
Sagot naman ni Marian, “Nakakatuwa kasi ang dami ko talagang pinagdaanan. Marami akong pinagkatiwalaan. Marami akong itinuring na kaibigan na hindi pala, pero alam mo ‘yun, nandoon silang dalawa.”
 
Dagdag niya, “Sabi nila sa akin, lalo na si Ana, ‘YanYan, kahit dalawa lang kami dito palagi, ang importante, totoo kami sa ’yo at mamahalin ka namin hanggang dulo. Wala akong pakialam kahit isang libo silang magkakaibigan basta kayong dalawa ay nasa akin.”