
Proud na nag-post sa social media ang The Voice Kids coach at international performer na si Billy Crawford tampok ang video ng isa sa kaniyang performances sa Lille, France.
Mapapanood sa naturang Instagram post ni Billy na enjoy na enjoy ang mga tao roon sa kaniyang pagkanta at nakikisabay pa sa kaniya na umawit.
Maririnig dito na pine-perform ni Billy ang isa sa kaniyang mga sikat na awitin na “Trackin” na bahagi ng kaniyang album noon na “Ride.”
“The crowed in Lille was lit! Merci beaucoup,” caption ni Billy.
Matatandaan na sunod-sunod ang naging trabaho ni Billy sa loob at labas ng bansa matapos siyang manalo sa international dance competition na Dancing with the Stars noong 2022.
Kuwento ni Billy sa 24 Oras kamakailan, inspirasyon niya sa kaniyang trabaho ang kaniyang pamilya kasama ang asawang si Coleen Garcia at anak nila na si Amari.
Ngayon, magbabalik na si Billy bilang isa sa coaches ng pinakabagong The Voice Kids sa GMA.
Muling napanood si Billy Crawford sa GMA nang maging host siya ng game show na The Wall Philippines noong 2022. Kasunod nito, ipinakilala si Billy bilang isa sa coaches ng The Voice Generations noong 2023.
RELATED GALLERY: Billy Crawford and his impressive career milestones