
Inihahanda na ng Manila City Hall ang hero's welcome para kay two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo at iba pang Manileño Olympians kabilang si EJ Obiena sa pag-uwi nila sa bansa.
Magkakaroon ng parade para sa Manileño Olympians na dadaan sa city hall ng Maynila. Hinihintay na lamang ang petsa ng kanilang pag-uwi.
"Para sa pag-welcome sa kanya, at the same time, 'yung pagdating n'ya rito ay maging inspirasyon din sa ibang mga Manileñong kabataan. Talagang tubong Maynila si Carlos Yulo. Napakalaking parangal ang ibinigay n'ya hindi lang sa buong bansa, particularly din sa aming mga Manileño," pahayag ni Princess Abante ng Manila LGU.
Ang Aurora A. Quezon Elementary School kung saan si Carlos nag-aral ng elementarya ay nagsabit na rin ng banner bilang pagbati sa kanya.
"Isang napakalaking inspirasyon sa ating mga kabataan ngayon, sa ating mga estudyante na someday, somehow isa rin sa kanila ang susunod sa yapak ni Carlos," pagbabahagi ni Randy Emen, principal ng Aurora A. Quezon Elementary School.
Bukod sa hero's welcome, may nakahanda ring pagkilala ang Kamara para kay Carlos Yulo kung saan makakatanggap ito ng Congressional Medal of Excellence para sa pagkakasungkit ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.
Ito ang pinakamataas na award ng House of Representatives para sa mga Pilipinong may naabot sa iba't ibang larangan.
BASAHIN ANG NATANGGAP NA PAGBATI NI CARLOS YULO MULA KAY HIDILYN DIAZ AT ILANG CELEBRITIES DITO: