
Marami ang humanga sa batang aktres na si Cassy Lavarias dahil sa kanyang mahusay na pagganap bilang batang Adelina sa GMA Prime series na Pulang Araw.
Maliban sa kanyang talento sa pag-arte, marami rin ang nakapansin sa pagkahawig niya kay Barbie Forteza. Dahil magkamukha raw talaga ang dalawa, binansagan siyang "young Barbie Forteza."
Sa isang episode ng Surprise Guest with Pia Arcangel podcast, inamin ng young actress na hindi niya mapigilang kiligin sa tuwing may nakapapansin sa pagkakahawig nila ni Barbie.
Dati pa raw kasi siya fan ng Kapuso Primetime Princess simula noong napanood niya ang dating romantic-comedy series na Meant To Be.
"Nakilala ko po siya noong nasa Meant To Be po siya. Ang galing niya po, 'tapos nakipagsabayan po siya sa mga artista po, ang dami pong aktors," kuwento niya.
Na-startstruck daw at kinilig nang sobra si Cassy nang makilala sa personal ang paborito niyang aktres.
"Sobrang ganda niya po like, hindi po ako nakapagsalita po noon. Napangiti po ako ng sobra po, abo't tenga na po ang ngiti ko po noon," masayang sinabi ni Cassy.
Una niyang nakarabaho si Barbie sa dating GMA drama series na Maging Sino Ka Man, kung saan ginampanan niya ang batang bersyon ng karakter ng aktres.
Kuwento nga ni Cassy, madalas niyang pinupuntahan ang tent ng kanyang ate Barbie para makipagkwentuhan at maturuan ng ilang acting tips.
Dagdag pa niya, sa tuwing nalalaman niyang gaganap sila bilang young version ni Barbie, palagi siyang kinikilig at nae-excite.
Pakinggan ang buong panayam ni Cassy sa Surprise Guest with Pia Arcangel podcast:
Mapapanood si Cassy bilang batang Adelina sa Pulang Araw kasama ang mga iba pang batang aktor na sina Franchesco Maafi, Cheska Maranan, at Miguel Diokno na gumanap sa mga batang bersyon nina Alden Richards, Sanya Lopez, at David Licauco.
Kilalanin pa ang young stars ng Pulang Araw, sa gallery na ito: