
Matapos makatrabaho sa 'Balota,' sinabi ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera na gusto niyang makatrabaho muli ang content creators na sina Sassa Gurl at Esnyr.
Sa panayam kay Marian nitong Biyernes, October 11, bago ang premiere night ng kanilang pelikula, sinabi ng aktres na gusto niyang makagawa ng seryosong project kasama ang dalawang content creators.
“Baka naman kaya natin serious [na project], pero may twist,” sabi ni Marian.
Pero pag-amin ng Kapuso Primetime Queen, magiging challenging ang paggawa nila ng seryosong proyekto dahil sa masayahing personalities nina Sassa at Esnyr.
“Wala pa silang sinasabi, tawa na ako nang tawa. Mga lukaret 'yung dalawang 'yon,” sabi ni Marian.
Sinabi rin ng aktres na bukas siyang makatrabaho pa ang iba pang content creators.
“Kahit sino, open ako,” sabi niya.
Aniya, ito rin mismo ang dahilan kung bakit naimbitahan niya ang dalawang drag queen na nagbihis bilang Teacher Emmy, ang karakter niya sa 'Balota,' sa premiere night ng kanilang pelikula.
“Natuwa ako sa kanila, in-invite ko sila. Alam mo 'yun, minsan sa ginagawa mo, hindi mo alam kung sino 'yung nari-reach mo. Na minsan nagkakaroon ng effect sa 'yo,” sabi ni Marian.
TINGNAN KUNG SINONG CELEBRITIES ANG DUMALO AT NAGBIGAY NG KANILANG SUPORTA SA PREMIERE NG 'BALOTA' SA GALLERY NA ITO:
Kuwento pa ng aktres, kahit sasandali pa lang sila nagkakasama ng kaniyang co-stars ay nakabuo na sila ng matibay na bond habang shinu-shoot ang kanilang pelikula.
“Kapag nandun kami, kakain kami ng lunch all together talaga. Magdi-dinner kami, lahat. Tapos halimbawa, kapag may eksena 'yung isa, nandun lang kami lahat, nag-iintay kami. So parang naging as family talaga kami doon,” sabi ni Marian.
Inamin rin niya na nagkaroon din siya ng sepanx o separation anxiety nang matapos ang kanilang taping. Kuwento ng Primetime Queen, noong nagpapaalamanan sila sa last taping day ay okay pa siya at smiling. Ngunit pagsakay niya sa sasakyan ay umiiyak na siya.
Dagdag pa niya ay tinawagan pa niya noon ang asawa at kapwa aktor na si Dingdong Dantes.
“Ibig sabihin lang noon, sobrang napamahal ako sa kanila,” sabi ni Marian.
Ngayong October 16 ay ipapalabas na sa mga sinehan ang Cinemalaya 2024 movie na 'Balota' na idinirehe ni Kip Oebanda. Bukod kay Marian, Sassa, at Esnyr, bumibida rin dito sina Royce Cabrera, Will Ashley, Raheel Bhyria, at Donna Cariaga.