
May bagong iringan ang mga karakter ng hit Primetime series na Widows' War na sina Aurora Palacios, played by Jean Garcia, at Rebecca na ginagampanan naman ni Rita Daniela. At dahil sa korte na dadalhin ang laban, to the rescue si Atty. Lilet Matias played by Jo Berry na magko-crossover mula sa Lilet Matias: Attorney-at-Law.
Sa panayam sa kaniya ni Nelson Canlas para sa 24 Oras nitong Lunes, December 16, inamin ni Jean na naging malaking hamon para sa kaniya ang mag-shoot ng mga eksena nila, at sinabing lumabas siya sa kaniyang comfort zone noong mga panahon na iyon.
“Para akong nanganganay, parang, 'Ay, may bagong show, pilot,' kasi iba 'yung setting, iba 'yung mga tao, 'yung mga kasama,” sabi ng aktres.
Dati na ring nagkatrabaho sina Jean at Jo sa dating serye na The Gift kung saan nakasama naman nila si Asia's Multimedia star Alden Richards. Kaya para sa beteranong aktres, tila isang reunion nila ni Jo Berry ang pag-crossover ng dalawang serye.
Kuwento pa ni Jo Berry sa parehong panayam, ay matagal silang magkayakap ni Jean dahil na-miss nila ang isa't isa. Pag-amin pa ng aktres ay matagal na rin nilang tinatanong kung kailan sila ulit magkikita.
“Sabi niya, na-miss niya din ako. Na-miss ko din siya so lagi kong sinasabi kung kailan ba kami magkikita, ayan, natupad na po ngayon,” sabi ng aktres.
RELATED CONTENT: BALIKAN ANG CAST NG 'WIDOWS' WAR' SA GALLERY NA ITO:
Samantala, ito naman ang unang pagkakataon na makakatrabaho ni Jo sina Rita at Bea Alonzo sa isang proyekto at masaya naman si Jo sa warm welcome na natanggap niya on and off cam, at sa pagbisita niya sa set ng Widows' War.
Ani Bea, interesante ang ganitong mga crossover lalo na at ito ang kauna-unahan nilang makasama ang isang karakter mula sa ibang serye na hindi parte ng Widow's Web at Royal Blood franchises.
Puno naman ng papuri si Rita Daniela kay Jo Berry, na muling nagbabalik sa serye matapos ang ilang buwang pahinga. Sabi ng aktres patungkol kay Jo, “My gosh, she's very good, she's a great actress. Ang sarap niyang kaeksena, sobrang open niya.”
Kuwento pa ng singer-actress ay sobrang na-miss rin niyang kaeksena si Jean at sinabing na-excite siyang muling makatrabaho ang beteranong aktres.
Panoorin ang panayam nila dito: