Showbiz News

Mga host ng 'Sunday PinaSaya,' ipinakilala na

By CHERRY SUN

PHOTO BY ELISA AQUINO, GMANetwork.com
 
Masayang Sunday tanghalian ang hatid ng bagong Kapuso noontime show na Sunday PinaSaya na magsisimula na sa darating na August 9.
 
Nangunguna sa sampung hosts ng naturang programa ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera at ang kanyang kambal, ang Queen of Comedy na si Aiai Delas Alas.
 
“Ang daming mangyayaring mga sketch, pagpapatawa, pagpapakita ng mga talent at ang maganda dyan, lahat ng artista ng GMA, pwedeng mag-guest sa amin. Especially kapag may ipo-promote sila na mga soap nila, o may mga kailangan silang i-promote, ang Sunday PinaSaya is very welcoming sa lahat ng Kapuso stars talaga,” pahayag ni Marian sa panayam ng 24 Oras.
 
Maiksi ngunit excited na dugtong naman ni Aiai, “Eto na! Sa wakas naman ay magko-comedy na ako. Yahoo!”
 
Kasama rin magpapasaya ang makulit na duo nina Jose Manalo at Wally Bayola, at pati ang mga comedy actors na sina Joey Paras at Jerald Napoles.
 
Sambit ni Jose, marami pa silang sorpresa at pasabog na hatid sa upcoming noontime show.
 
Aniya, “Akala namin sa Eat Bulaga nagawa na namin lahat. Kahit sa Eat Bulaga tinatanong nila, ‘Ano pa ‘yung mga gusto niyong gawin na hindi niyo pa nagagawa?’ Sa tingin namin nagawa na namin ‘yung dapat namin gawin, pero meron pa raw pala sabi nila.”
 
Makikisaya rin ang Pambansang Dimple at Bae na si Alden Richards, ang Asia’s Pop Sweetheart na si Julie Anne San Jose, Kapuso Teen Queen na si Barbie Forteza, at sexy cover girl na si Valeen Montenegro.
 
“Jam-packed siya eh. Kasi ‘yun nga, for the past 20 years nasanay tayo sa mala-concert [na show]. Ito meron pa rin. May ganun pa rin pero it’s more on comedy,” kuwento ni Alden.
 
Ka back-to-back ng Sunday PinaSaya ang Wowowin sa pinaaga nitong oras na 2 pm.
 
“Very refreshing if you notice ‘no. Ang feeling ko parang extension ng Eat Bulaga na bago  [‘yung Sunday PinaSaya]. Tapos ‘yung Wowowin. Imagine, who would ever think na [‘yung] dati’y magkatapat, ngayo’y magka back-to-back, magkakasama na,” bahagi ng Wowowin host na si Willie Revillame.
 
“Ako excited ako dito. Iba ang feeling ko kaya ganado ako eh,” dagdag din niya.
 
READ: ‘Sunday PinaSaya’ at ‘Wowowin,’ unbeatable tandem ayon kay Willie Revillame 
 
Video courtesy of GMA News