Usap-usapan ngayon sa social media ang mga bagong video at larawan nina Alden Richards at Kathryn Bernardo na magkasama sa umano'y post-birthday party ng aktres.
Mabilis na nag-viral ang Instagram story ng fashion stylist na si Priscilla Ann “Boop” Yap-Tañedo kung saan makikitang sorpresang dumating sa nasabing private event si Alden dala-dala ang malaking buoquet of roses at isang regalo para kay Kathryn.
“Kinikilig ako #KathDen,” caption ni Boop sa kaniyang post.
Sa isa pang Instagram story na ibinahagi naman ni Earl Semitara, makikitang very close sina Alden at Kathryn kung saan makikitang nakayakap pa ang aktor sa aktres habang sila ay kinukuhanan ng larawan.
Komento ng netizens online, “Kakakilig, bagay sila.”
Matatandaan na nag-viral din kamakailan ang bonding moments nina Alden at Kathryn sa 28th birthday celebration ng aktres sa Palawan. Dito ay kumanta pa si Alden kasama si Kakai Bautista ng “Bakit Ngayon Ka Lang” na handog nila para kay Kathryn.
Unang nagkatrabaho sina Alden at Kathryn sa 2019 hit film na Hello, Love, Goodbye.
Dahil sa pagiging reunited ng dalawa, umaasa ang kanilang mga taga-hanga na magkakaroon na ng part two ang kanilang pelikula o 'di kaya'y makagawa muli sila ng bagong proyekto na magkasama.
Noong November 2023 naman nang ianunsyo ni Kathryn na hiwalay na sila ng kaniyang longtime boyfriend na si Daniel Padilla.
Ilang buwan matapos ito, sinabi ni Kathryn sa isang interview na siya ay “healed” at naka-move on na sa nasabing breakup.
Samantala, abala rin ngayon si Alden sa kaniyang mga ginagawang pelikula at teleserye gaya ng kaniyang directorial debut film kasama si Heaven Peralejo.
Puspusan din ang paghahanda ni Alden para sa upcoming Kapuso historical drama na Pulang Araw kung saan kasama niya sina Barbie Forteza, Sanya Lopez, David Licauco, at Dennis Trillo.
Silipin ang iba pang larawan mula sa 28th birthday party ni Kathryn na ginanap sa Palawan dito:
Reunited si Alden Richards at ang kaniyang co-stars sa 2019 blockbuster romantic drama film na 'Hello, Love, Goodbye' sa 28th birthday party ni Kathryn Bernardo sa El Nido, Palawan. Present din sa birthday celebration ni Kath sina Lovely Abella, Kakai Bautista, at Maymay Entrata.
Intact pa rin ang friendship ng 'Hello, Love, Goodbye' stars kahit ilang taon na ang lumipas.
Nagkaroon ng yacht party si Kathryn Bernardo kasama ang kaniyang celebrity friends, kabilang na sina Alden Richards, Lovely Abella, Kakai Bautista, at Maymay Entrata.
Kinakiligan naman ng fans nina Alden Richards at Kathryn Bernardo ang presence ng aktor sa kaarawan ng kaniyang kaibigan at katrabaho.
Spotted din sa 28th birthday celebration ni Kathryn Bernardo si Jericho Rosales at ang fashion designer na si Mark Bumgarner.
Nag-duet sina Alden Richards at Kakai Bautista sa kantang "Bakit Ngayon Ka Lang" para sa birthday celebrant na si Kathryn Bernardo.
Tila nahiya pa si Alden Richards nang kantahan si Kathryn Bernardo. Ani ng Kapuso star, "Happy birthday, Kath. 'Di ko ginagawa 'to."
Happy birthday, Kath!