TV

'Kulam,' susunod sa 'Karelasyon'

Matagal nang inaasam ng mag-asawang sina Marita (Valeen Montenegro) at Daniel (Mike Tan) na mabiyayaan ng anak. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin sila pinapalad na makabuo ng bata para masimulan ang pagkakaroon ng isang munting pamilya. Ang pagsubok na ito ang sanhi ng alitan sa pagitan nilang dalawa lalo na't nararamdaman ni Marita na habang tumatagal ay nanlalamig na sa kanya ang mister na si Daniel.  Para kay Marita, ang pagkakaron ng anak ang tanging paraan para manumbalik ang saya sa kanilang samahan. Pero lingid sa kanyang kaalaman, ito palang si Daniel ay may kinalolokohang mas batang babae – Si Elisa (Denise Barbacena)!

Upang makaganti ay lumapit si Marita sa isang mambabarang (Perla Bautista). Sa impluwensya ng kanyang tiyahin (Glenda Garcia) ay dito niya naisip humingi ng tulong para mapigilan ang relasyon ng kanyang asawa sa babaeng hindi pa niya nakikita at nakikilala.  

Subalit ito nga ba ang tamang paraan para ayusin ang problemang ito? Mas makabubuti ba ito sa relasyon nina Marita at Daniel? At ano ang gagawin ng mambabarang kapag nalaman niyang ang pinakamamahal niyang apo pala mismo ang kalaguyong ipinakukulam sa kanya?

Ito ang madrama at malagim na kuwentong tampok sa Karelasyon ngayong Sabado, Pagbibidahan nina Mike Tan, Denise Barbacena, Valeen Montenegro at Perla Bautista, Sa panulat ni Danzen Santos-Katanyag at direksyon ni Rember Gelera.

Mapapanood ang Karelasyon kasama si Carla Abellana tuwing Sabado pagkatapos ng Eat Bulaga.