Showbiz News

EXCLUSIVE: Contestants na galing sa broken families, nagkaisa para maging triple winner sa 'Wowowin'

By CHERRY SUN

Hindi magkakakilala sina Caselyn Callos, Eunice Valdez at Bernard Sambajon, Jr. pero tila pinagbuklod-buklod sila ng kanilang mga karanasan sa buhay. Sa katunayan, sila ang kauna-unahang triple winner sa Wowowin.
 
Kuwento nilang tatlo, lagi silang nanonood ng programa ni Willie Revillame dahil sa nakikita nilang oportunidad na kalakip nito. Pinalad naman sina Caselyn, Eunice at Bernard nang mga sales person ang inanyayahang maglaro sa Wil of Fortune. Ngunit maliban sa kanilang hanapbuhay bilang mga saleslady at salesman, nagkataon din na silang tatlo ay mula sa broken families.
 
Single mom si Caselyn at anim na taon nang hiwalay sa kanyang asawa. Naiwan sa kanyang poder ang kanilang dalawang anak. Hirap siyang pagkasyahin ang kanyang kinikita dahil maliban sa hindi siya nakakatanggap ng sustento mula sa dati niyang mister, siya rin ang gumagastos at nag-aalaga sa kanyang mga magulang.
 
Pareho namang 12 years old sina Eunice at Bernard nang magkahiwalay ang kani-kanilang magulang. Simula noon, palipat-lipat ng tirahan si Eunice at kanyang mga kapatid sa pagitan ng kanyang ina at ama. Second year college siya nang kinailangan niyang maging working student kaya hindi na rin niya natapos ang kanyang pag-aaral. Samantala, si Bernard ay lumaki sa piling ng kanyang lolo at lola. At dahil wala silang permanenteng trabaho, napilitan ding dumiskarte sa buhay si Bernard sa murang edad.
 
Dahil sa kanilang nakakaantig na kuwento, pumayag si Kuya Wil na silang tatlo ang maglaro sa jackpot round. Matapos pumili ng tatlong kahon at alok na umabot sa Php 130,000, napanalunan nina Caselyn, Eunice at Bernard ang isang milyong piso, house and lot, at bagong sasakyan.
 
Ngayong natanggap na nila ang sagot para sa kanilang mga pangarap, ano-ano kaya ang plano ng ating triple winner?
 
Ani Bernard, “Puwede ko po rin kasi gawing business ‘yung makukuha ko. Then kung hindi, puwede ko po siyang ibenta then magtatayo ako ng ibang business na gusto ko. Then, may savings pa ako sa bank. Ganun po ‘yung second choice ko kasi para hindi lang po lahat [ilalagay] ko sa isang bagay kundi may itatabi rin ako para sa future, pang-savings lang. Itutuloy ko [pag-aaral ko]. ‘Yun talaga ‘yung [plano] ko this year."
 
Ganito rin ang balak ni Eunice. Sambit niya, “Una po, ipu-fully paid ko sa tuition ko para wala nang problema, wala nang iisipin. Tapos naisip din ni Papa, [magsimula] ng business. Kasi sabi nga ‘yang ganyang pera akala mo malaki pero 'pag ‘yan nagastos mo, madali lang mawala, kaya naisip namin mag-business. Bibili siya ng sasakyan, ipangbabyahe niya.”
 
Samantala, patuloy namang kakayod si Caselyn para sa kanyang pamilya. Bahagi niya, “Investment po para sa mga anak ko rin, tapos plano ko pa rin sana umalis [at magtrabaho ulit sa ibang bansa].”
 
MORE ON 'WOWOWIN':

 
Wowowin, kinilalang Best Game Show ng PMPC Star Awards                                                                                 
READ: Shayne Jones, natanggap na ang Mega Jackpot Prize ng Wowowin sa kanyang kaarawan