TV

Yayanigin ng 'The Big One' ang inyong mga umaga

Isang kakaibang kuwento ng pagbabayanihan ang unang handog ng GMA Heart of Asia ngayong taon. 

 

 


Sa The Big One, tatamaan ng isang malakas na lindol ang Seoul. Dahil sa 'di inaasahang lakas nito, masisira ang mga daan papunta at palabas dito. Mapuputol din ang suplay ng kuryente, tubig at maging signal ng telepono sa siyudad.
 
Isang grupo ng mga doktor ang magtutulung tulong para harapin ang sakuna at bigyan ng lunas ang mga survivors nito.
 
Si Harvey ay surgeon na naniniwalang tungkulin niya bilang isang doktor na gamutin ang sinuman—kahit ano pa ang katayuan nito sa buhay. Maging tulong kaya o balakid ang paniniwala niyang ito?
 
Magiging katuwang niya sa panggagamot ng mga earthquake survivors si Daphne, isang orthopedic surgeon. Dayo siya mula sa Busan at mapipilitang manatili sa Seoul dahil sa lindol.
 
Si William naman ay isang surgeon na bihasa sa robotic surgery o pag-oopera habang gamit ang mga espesyal na makina. Malamig ang pakikitungo niya sa mga tao, pero kalaunan ay marami pa rin siyang masasagip ng mga buhay. 
 
Gaano man sila kagaling sa kanilang propesyon, limitado lang ang mga gamot at iba pang panganganilangan ng ospital. Patuloy pa ba nilang magagawa ang kanilang tungkulin bilang mga manggagamot?
 
Si Kim Young-kwang na minsan nang napanood sa hit series na Pinocchio ang gaganap bilang Harvey. Kasama niya dito si Jung So-min, mula sa Playful Kiss, sa role ni Daphne. Si model and actor Ha Suk-jin naman ay si William. 
 
Huwag palampasin ang kakaibang tale of survival ng The Big One, simula January 23, pagkatapos ng Mako Mermaids sa GMA Heart of Asia.