Showbiz News

WATCH: Silipin ang buhay ngayon ng dating sexy star na si Katrina Paula

By Marah Ruiz

Sumikat siya noong dekada nobenta sa mga pelikula tulad ng "Sa Iyo ang Sarap, Akin ang hirap," "Strip Show, Indayog sa Gabi" at iba pang tinaguriang sex trip o ST films. 

Nang dumating ang panahon na hindi na siya masyadong nakukuha sa mga pelikula, nakipagsapalaran siya sa Japan. 

"Siyempre diskarte, kung saan saan lang ako pumupunta noon nung wala ng pelikula, wala nang kumukuha sa akin," kuwento niya. 

Dahil sa pagtatrabaho abroad, nakapagpundar na si Katrina ng bahay at may negosyo pang inaasikaso ngayon. 

"Pinagkakaabalahan ko ngayon? Ayan nagbebenta ako ng mga alahas, mga bag. Sa Japan, palagi akong nasa Japan kasi nagwo-work ako doon," aniya. 

Sa Japan din niya nasubukang sumali sa isang beauty pageant. Naging third runner-up pa siya sa sinalihang Mrs. Queen of VOAA (Voice of an Angel) noong 2017. 

"Masyadong masaya para sa akin kasi 'di ba from wala kang damit noon tapos rumarampa ka ng naka-gown. Nakatingin sa 'yo lahat ng tao, feeling mo ikaw ang pinakamaganda 'di ba? Parang ang sarap lang ng pakiramdam," pahayag niya. 

Pero ang greatest accomplishment daw ni Katrina ay ang mabigyan ng maayos na edukasyon ang kanyang mga anak. Sa katunayan, isang ganap na piloto na ngayon ang kanyang panganay. 

"Sa lahat ng pinagdaanan ko, nandiyan silang lahat para sa akin. Supportive sila kahit noong una wala kami. Talagang nagtiis sila—nagtiis sila sa kung ano 'yung kaya ko," pagtatapos niya. 

Panoorin ang feature ng programang iJuander kay Katrina Paula. 

Video courtesy of GMA Public Affairs