Showbiz News

READ: Aiai Delas Alas finds a new love team partner in 'Feelennial'

By Nherz Almo

Bukod kay Vic Sotto, nakahanap na raw ng iba pang ka-love team si Comedy Queen Aiai Delas Alas.

Aiai Delas Alas at Bayani Agbayani

Sa ginanap na press conference ng bago niyang pelikulang Feelennial, inihayag ni Aiai na maituturing din niyang ka-love team ang co-actor niya at kapwa komedyanteng si Bayani Agbayani.

Pahayag ng Sunday PinaSaya star, “Kasi, noong napanood ko 'yung movie noong nag-dubbing kami ng ibang parts, sabi ko sa sarili ko, 'Ay, mayroon na ulit akong bagong ka-love team.'

“Kasi, nakita ko yung parang closeness ng puso namin kay Bossing [Vic], e.

“Yun talaga yung ka-love team ko, e. Pero noong napanood ko yung kami ni Bayani, 'Ay, may bago na akong love team, may ganun.'

“May kilig factor kapag nanonood ka ng pelikula, so cute.”

Nakatrabaho ni Aiai si Vic sa mga pelikulang Enteng ng Ina Mo (2011) at My Bebe Love: #KiligPaMore (2015).

Katulad ni Aiai, napatunayan din daw ni Bayani na may chemistry sila ng kanyang kaibigan sa showbiz kahit sa harap ng camera.

“May chemistry po pala kami,” ani Bayani.

“Kasi po may chemistry kami off-cam, so hindi namin alam kung nasa harap ng camera ay ganun pa rin.

“So, nalaman namin na kung ano pala yung samahan at treatment namin bilang magkaibigan sa likod ng camera, ganun din pala sa harap ng camera.

“Kaya naging natural na natural yung takbo ng karakter namin sa pelikula.

“At natuwa naman kami kasi, kung gaano kami naghaharutan kapag walang camera, kung paano kami nagpapatawa sa isa't isa, kung papaano kami nagmamahalan sa likod ng camera, e, ganun din, nakita sa harap ng camera.

“So, 'no acting, please' ang nangyari dito sa pelikula.”

Ang Feelennial ay ang unang pelikulang ipo-produce ni Pops Fernandez sa pamamagitan ng kanyang production company na DSL Events and Production House, sa pakikipagtulungan ng Cignal Entertainment.

Ayon sa tinaguriang Concert Queen, hindi siya nagdalawang isip na gawin ang comedy film na ito dahil hilig niya talaga ang mga ganitong klase ng pelikula.

“Ako kasi, I'm a fan of comedy films, automatic 'yan,” aniya.

“Siyempre, minsan, hindi natin maiwasan dito sa everyday life natin, ma-i-stress tayo.

“So gusto ko pag-uwi ko, para makalimutan ko rin nang kaunti ang mga iniisip ko na medyo dramatic, gusto ko rin na medyo natatawa ako.”

Patuloy pa niya, “I'm really a fan of comedy films. I love to laugh.

“And I think, after napangiti tayo at napatawa tayo ng isang pelikula or TV show, mas naha-happy ako, nakakakalimutan ko nang kaunti ang mga problema ko. So, it really uplifts my spirit and my emotions.

“So, ang gusto ko talaga na project, na first time, is comedy.”

Ang Feelennial ay mapapanood sa mga sinehan nationwide simula June 19.