Showbiz News

Jerald Napoles admits 'kaartehan' for keeping relationship with Kim Molina a secret

By Nherz Almo

Inako ni Jerald Napoles ang dahilan nang matagal na pagtatago nila ng kanyang girlfriend na si Kim Molina.

Halos limang taon nang magkarelasyon ang Rak of Aegis stars ngunit halos wala pang dalawang taon simula nang isapubliko nila ito.

10 kilig photos of Jerald Napoles and Kim Molina

Sa press conference ng pelikula nilang Jowable noong Biyernes, September 13, ipinaliwanag ng 36-year-old actor Jerald kung bakit nag-alangan siya noong umamin tungkol sa kanila ng 28-year-old actress.

“People are asking, 'Bakit ngayon lang kayo nag-out? Ang tagal n'yo na pala, hindi namin alam.' Dati kasi, hindi kami yung, 'O, tayo na, ha? Tayo na ngayon, official, ha. Tandaan mo 'tong date na 'to, tayo na.'

“Yung hindi namin pinag-uusapan na nade-develop nang nade-develop, nagiging kami.

“Ayaw naming pangunahan 'yong isa't isa, na kapag tinanong ng mga tao, 'O, kayo na ba? 'Ah, hindi pa yata?' May ganun kami.

“At saka, mas ako siguro 'to sa relationship namin.

“Mayroon ako, na noong una, from the 200,000 plus followers, I would like the 1,000 people na close ko muna ang nakakaalam than posting it and bragging about it.

“Then, there's a lot problems happening, hindi pala ako sigurado.

“May ganun lang ako kaya siguro umabot ng five years itong kaartehan kong 'to.”

Sa hiwalay na panayam kay Jerald, ipinaliwanag din niya na may koneksyon sa kani-kanilang showbiz career ang desisyon nila noon na magtago sa publiko.

Aniya, “Kasi, yung first years namin talaga, hindi namin alam kung saan kami pupunta.

“Kasi, ako yung nauna sa showbiz… Lagi kong sinasabi kay Kim, ang daming inaasikaso sa buhay, hindi naming mabigyan parehas ng time i-tackle yung, 'O, ano ba tayo?' Mayroon din akong mga ano na, 'O, tayo-tayo muna.'

“Yung first two years, yun yung crucial, e.

“Kasi, noong naging artista ako, [sa GMA ako], and siya, ina-eye na rin ng ABS-CBN.

“So, hindi rin namin alam kung makabubuti ba na lalabas kaming mag-jowa.

“True enough, ngayon, yung market ni Kim, that is her brand.

“Sa tingin ko, kung lumabas kaagad kaming mag-jowa agad, not hard, pero may kaunting limitations.”

Natutuwa rin daw si Jerald dahil tanggap ng kani-kanilang fans ang kanilang relasyon.

“Nagulat ako na mas gusto ngayon ng fans na kami. Siguro nga kasi mas ano kami, mas natural,” sabi ng Sunday PinaSaya star.

Bagamat matagal na silang magkasintahan, hindi pa raw pumapasok sa isipan nina Kim at Jerald na i-level up ang kanilang relasyon.

Sabi ni Jerald sa entertainment press, “Wala pa po, e. Wala pa pong sariling bahay ang nanay ko.

“Kailangan pong bigyan ko muna siya ng sarili niyang bahay.”

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Jerald na gusto pa nilang mag-focus sa kani-kanilang showbiz career.

“Kasi parehas kami, hanggang ngayon, nagpapakilala pa kami sa industriya.

“May ganun pa kaming level of thinking. Lalo na mas malawak ang kumpetisyon ngayon.

“Dati, pipila ka sa StarStruck para maging artista. Ngayon, mag-video ka sa banyo, puwede kang maging artista.

“Magpa-viral ka, puwede kang maging artista. Tik-Tok ka nga lang ngayon, puwede kang maging artista.

“Dati, hindi mo puwede gawing talent ang Tik-Tok sa StarStruck at Star Circle Quest.”

Gayunman, siniguro ni Jerald na seryoso siya sa relasyon nila ni Kim.

“Seryoso naman kami sa isa't isa.

“Inaayos lang naming ang mga parte sa buhay namin dahil parehas kaming may hinahabol, sa edad namin…

“Hindi lang maging stable ang relasyon, maging stable rin ang career, maging stable ang mga magulang, maging stable ang ibang parte pa ng buhay. Tulungan,” pagtatapos ni Jerald.