Showbiz News

EXCLUSIVE: Sinong cartoon character ang pinagbasehan ni Martin del Rosario para sa kanyang role sa 'The Panti Sisters'? 

By Cara Emmeline Garcia

Kinilala si Kapuso actor Martin del Rosario bilang Best Actor para sa kanyang karakter sa The Panti Sisters sa naganap na Pista ng Pelikulang Pilipino noong Linggo, September 15.

Sa pelikula, gumanap si Martin bilang si Daniel o “Dani” Panti ang sweetest sister sa tatlong magkakapatid.

Sa isang exclusive interview ng GMANetwork.com, ibinahagi ng aktor ang kanyang paghahanda para magampanan si Dani.

Aniya, “Sa physical part, nagpapayat talaga ako kasi dapat talaga mag-gym na ako nun. Siguro mga one week na akong nag-gym.

“Siguro first time kong matagal hindi nag-workout maski konti kasi ako 'yung pinaka pa-girl dun [sa tatlo].

“At kasi medyo malapad na 'yung frame ko so 'pag nag-workout pa ako baka mas lalo pang lumapad 'yung frame ko.”

Dagdag pa niya, lumikom siya ng iba't ibang pwedeng pagbasehan para sa kanyang karakter at kabilang diyan ang popular 2000s character na si Bubbles ng The Powerpuff Girls.

“Dun sa character, inaral ko 'yung mga K-Pop at mga aegyo.

“Inaral ko 'yung mga gestures na pwede kong gawin at saka pineg ko sa mga cartoon characters.

“Pineg ko kay Bubbles at sa mga cute characters tulad ng unicorns, ponies, rainbows, at candies kasi sweet 'yung character ko e. So talagang kailangan kong sobrang, sobrang sweet.”


Ano naman kaya ang naisip ng kanyang mga tunay kapatid na sina Kim at Denise del Rosario nang makita ang full-on glam niya sa pelikula?

Bahagi ni Martin, “Sobrang proud nila!

“'Yung mga [Instagram] story nga nila sobrang nakakatawa. Puro, 'Congrats, Kuya!' tapos 'yung next story nila, 'Oo na! Mas maganda ka na!'

“Yung mga kapatid ko na mga babae, never kasi nila na-experience 'yung mag debut at mag-dress kasi ayaw nila at choice nila 'yun. Ayaw nila na maging center of attention kapag may program.

“At akalain mo, ako pa 'yung naka-experience ng red carpet at full glam.”

Mapapanood si Martin sa The Gift mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng Beautiful Justice.

WATCH: Martin del Rosario, inuwi ang kanyang first Best Actor Award mula sa ika-3 Pista ng Pelikulang Pilipino

Celebrities laud Martin Del Rosario for his big win at Pista ng Pelikulang Pilipino 2019