Showbiz News

Gabby Concepcion on reunion movie with Sharon Cuneta: 'All green and go.'

By Nherz Almo

Katulad ni Sharon Cuneta, natutuwa rin ang kanyang dating asawa at ka-love team na si Gabby Concepcion sa pagkakaayos nilang dalawa.

Matatandaan na noong nakaraang buwan ay naging laman ng balita ang muli nilang pagsasama.

LOOK: Sharon Cuneta and Gabby Concepcion reunite on concert stage

Sa press conference ng Iconic concert, nabanggit ni Sharon na nakipag-ayos sa kanya si Gabby bago ang kanilang duet on stage.

Sharon Cuneta on surprise duet with Gabby Concepcion: "Nagulat lang din kami"

Sinang-ayunan naman ito ng aktor sa inihandang press conference para sa kanya ng Beautederm kanina, October 12.

Ayon kay Gabby, "Noong araw ko pa naman gusto maging okay lahat 'yan.

"Nagkakaroon lang kaunting misunderstanding, misinterpretation, mixed emotions, mixed feelings.

"May mga nakakarinig dito, may nabubulungan dito, maraming ganun, e.

"Ngayong nakapag-usap na kami, at least, diretsuhan na.

"Doon sa kuwarto, kami lang dalawa, wala ng ibang, kaya sana mabuo ang plano naming matuloy sana ang pelikula."

REUNION MOVIE

Kaugnay ng pinakaaabangang Sharon-Gabby reunion movie, sabi ng Love You Two actor na "all green and go" na ito.

"Balita ko kasi mayroon pa siyang mga ginagawang project ngayon.

"Pagkatapos sana, baka pwede na.

"Nasa planning stage pa rin, pero okay na.

"Nakapag-usap na kami, okay naman."

Kinuha na rin niya ang pagkakataong ito para linawin ang bali-balitang dahilan ng hindi pagkakatuloy ng pelikula noon.

Sabi ni Gabby, "Ang importante naman talaga.. sa kahit anong pelikula o teleserye, importante ang story.

"Kaya 'yung last time, nung hindi natuloy... Sa totoo lang, kung ano man ang mga balitang lumabas, it's the story.

"Wala ho akong nabasang story na sa tingin ko ay magiging iba doon sa mga nagawa ko na noon."

Sa hiwalay na panayam sa kanya ng entertainment reporters, nabanggit ni Gabby na handa sila ni Sharon na maging bahagi bilang producer ng kanilang reunion movie.

Kung sakali, ang hiling daw nila ay ibigay ang rights sa kanilang anak na si KC Concepcion.

Sa huli ay nanawagan si Gabby sa mga manunulat, "Sa totoo lang, kung mayroon ho kayong magandang istorya, ipadala n'yo lang ho sa amin.

"We really, really need a good story.

"If you have a really good story out there, it really has to be out of the box, kakaiba, we're willing to look at your stories."