Showbiz News

READ: Kelvin Miranda stars as the lead role in the upcoming Netflix Original, 'Dead Kids'

By Felix Ilaya

Nagpaunlak ng interview ang Kapuso actor na si Kelvin Miranda na bibida sa upcoming Netflix Original na pinamagatang "Dead Kids."

Sa "Dead Kids," gaganap si Kelvin bilang si Mark Sta. Maria, isang high school student na biktima ng bullying. Upang mabigyang hustisya ang kanyang role, talagang pinaghandaan niya raw ito bago sumabak sa taping.

Aniya, "First time ko gumanap ng character na introvert. One week siguro akong nag-prepare para masanay akong mag-isa. Hindi lang siguro one week, mga isang buwan, dalawang buwan.

"Tapos hindi ako nag-lose ng weight para mas magmukha akong totoy, mas magmukha akong kawawa. Mukha akong binu-bully. Pinaghandaan ko talaga siya.

"Hindi ko siya in-expect na makukuha ko kasi andaming magagaling na nag-audition. Kasama pa ako sa mga bida, lead pa, Netflix Originals pa."


Parang nananaginip raw ang pakiramdam ni Kelvin sa saya nang masungkit niya ang lead role na ito at malamang i-re-release sa streaming service na Netflix.

"Sobrang nakakatuwa kasi first time kong mag-lead talaga sa pelikula, although sa mga indie film, nakakapag-lead naman, ito kasi mainstream.

"'Di pa namin alam ['nung una] na Netflix siya. -- Tapos 'nung nalaman ko na Netflix siya, sobrang 'di ako makapaniwala. 'Nananginip ba ako?' Ganoon 'yung feeling," wika ni Kelvin.

Makakasama rin ng Kapuso actor sa "Dead Kids" sina Khalil Ramos, Vance Larena, Jan Silverio, Gabby Padilla, Sue Ramirez, and Markus Paterson. Ayon kay Kelvin, naging magbabarkada na raw sila ng kanyang co-stars dahil sa pelikulang ito. "Sa mga experience ko sa co-actors ko, sobrang cool. As in naging magbabarakada talaga kami, literal.

"Hindi lang 'yung co-actors, ganoon na rin sa directors, sa writers, lahat.

"'Pag nag-shu-shoot kami, walang problema, walang nagagalit, walang nangangarag. Swabe lang. Swabeng tumatakbo 'yung araw, natatapos namin nang walang stress kung hindi 'yung stress lang sa character namin kailangang intindihin.

"Sobrang gaan, sobrang collaborative 'nung co-actors and director."

Sa direksyon ni Mikhail Red, tampok sa "Dead Kids" ang kuwento ng mga high school students na magpa-planong kidnap-in ang kanilang bully at mayaman na kaklase. Ayon kay Kelvin, hango raw sa tunay na pangyayari ang istorya ng kanilang upcoming film.

Kamakailan lang ay ginawaran siyang Best Actor sa 6th Urduja Film Festival para sa pelikulang "The Fate."

Ngayon, mapapanood si Kelvin sa Kapuso shows na Madrasta at Sunday PinaSaya.