Showbiz News

Maey Bautista at Anthony Rosaldo, ipagpapatuloy ang kanilang Kapuso journey

Pumirma muli ng kanilang management conracts sa ilalim ng GMA Artist Center ang Kapuso actress-comedian na si Maey Bautista at ang The Clash alumnus na si Anthony Rosaldo noong nakaraang Huwebes, Nobyembre 7.

Maey Bautista at Anthony Rosaldo

Dumalo sa contract signing ceremony sina GMA Artist Center Assistant Vice President and Head for Talent Imaging and Marketing Unit Simoun S. Ferrer at Senior Talent Manager Joy Marcelo.

Sa kaniyang malawak na experience sa news at entertainment industry, patuloy na napapasaya ni Maey ang mga televiewers sa kaniyang galing sa pag-arte at pagpapatawa. Naging parte siya ng mga GMA dramas na Hiram Na Anak, My Guitar Princess, Haplos, at sa mga GMA News TV programs na AHA!, Tadhana, May Tamang Balita, at Day Off.

Ayon kay Maey, marami pa siyang nais magawa bilang Kapuso. Sa ngayon, abala siya sa paghahanda para sa role sa upcoming serye na Love of my Life, “Nagpapasalamat ako na patuloy pa rin ang tiwala ng GMA sa akin at sa mga kaya ko pang ipakita. Very excited ako for this show dahil reunion namin ito ni Carla Abellana. Every taping namin ay masaya.”

Samantala, patuloy naman na pinabibilib ni Anthony ang kanyang mga tagahanga sa kaniyang husay sa larangan ng musika. Bilang produkto ng tinaguriang all-original Filipino singing competition na The Clash, patuloy na ipinapamalas ni Anthony ang kaniyang vocal versatility sa kaniyang mga singles na 'Larawan,' at ang latest niyang revival song na 'Maghintay Ka Lamang,' na ginamit na original sound track ng Korean series na Sky Castle na ngayon ay napapanood sa GMA Heart of Asia.

Ibinahagi ni Anthony ang kaniyang saya sa patuloy na pag-angat ng kaniyang career sa GMA, “Parang lumulutang 'yung pakiramdam ko eh, sobrang daming possibilities at projects na puwedeng mangyari, sobrang blessed ko. By next year, we will do the physical album na mag-iinclude ng mga originals gaya ng Larawan Mo, I think it's about time na we focus on original songs.”

Pahayag ni Ferrer, patuloy na hahasain ng GMA Artist Center ang kani-kaniyang potensyal ng mga artistang pumipirma sa kanila, “Nagpapasalamat tayo sa kanila because they keep on improving in their chosen field at nakikita mo sa performances nila na gusto nila yung ginagawa nila. We're excited to see more of them. The Network and Artist Center will continue to support them para mas mag-grow pa sila sa kanilang career.”