Showbiz News

5 dahilan kung bakit dapat abangan ang 'Ilaban Natin 'Yan'

By Racquel Quieta

Magsisimula na ngayong Pebrero ang bagong programa ni Vicky Morales na 'Ilaban Natin 'Yan.' Kung nagtataka ka kung tungkol saan nga ba ito at bakit mo ito dapat panoorin, heto at inilista namin ang limang dahilan kung bakit ito kaabang-abang.

1. Mga totoong kuwentong makaka-relate ang lahat

Kamakailan ay ipinalabas na ang tatlong teasers para sa programang 'Ilaban Natin 'Yan,' at dito naipasilip na ang ilan sa mga isyu na tatalakayin sa unang buwan nito tulad ng pangangaliwa ng isang mister, pambubugbog sa isang misis, at pagbabanta ng pananakit sa isang babae.

At ang mga kuwento na ito, isasadula rin ng Kapuso actors and actresses tulad nina Thea Tolentino, Anjo Damiles, at Ms. Jaclyn Jose.

2. Maririnig ang iba't ibang panig

Sa interview kay Cannes Film Festival Best Actress Jaclyn Jose, ibinahagi nito na gusto niya ang bago at naiibang konsepto ng programa.

Aniya hindi lamang basta-bastang ikukuwento ang mga tampok sa istorya, kundi maririnig din ang iba't ibang panig.

Sabi ni Jaclyn, “Dito, ipapakita 'yong mga ibang version. Ito 'yong sabi niya, ito 'yong sabi nito. So, bahala ang manunuod kung sino sa kanila ang pakikinggan at kung sino ang tama. Let the people decide kumbaga.”

3. Palaban Express

Isa sa mga dahilan kung bakit natatangi ang programang 'Ilaban Natin 'Yan' ay ang pagkakaroon nito ng Palaban Express.

Ito ang modern jeep na dadayo sa mga barangay upang dinggin ang mga problema ng mga pamilya at iba't ibang tao sa komunidad.

Hindi na kailangang pumunta pa sa malayo upang magsumbong o magbahagi ng iyong kuwento, dahil ang Palaban Express na mismo ang pupunta sa inyo para dinggin ang mga hinaing ninyo.

4. Mga payo ng eksperto

Isa sa pinakamahalagang aspeto ng 'Ilaban Natin 'Yan' ay ang layunin nito na masolusyonan ang mga hinaing o problema ng mga dudulog sa Palaban Express.

Hindi lamang basta-bastang diskusyon ang magaganap, kundi magbibigay din ng payo ang mga eskperto mula sa iba't ibang larangan.

5. Ate ng Bayan

Mula sa pagiging Fairy Godmother ng Bayan sa 'Wish Ko Lang,' magiging Ate ng Bayan naman si Vicky Morales sa kanyang bagong programang 'Ilaban Natin 'Yan.'

Diringgin niya ang mga kuwento ng mga dudulog sa Palaban Express at tutulong na magkaroon ng positibong pagbabago sa kanilang sitwasyon.

Kaya kung may nais kang idulog na problema o nais mo lang matuto mula sa mga isyu na tatalakayin ng programa, manood ka ng 'Ilaban Natin 'Yan.' Magsisimula na ngayong Pebrero dito lang sa GMA-7.