Showbiz News

KMJS: Zion of God, exempted sa COVID-19?

By Dianara Alegre

Isang samahan sa Agusan del Sur ang nagsasabing hindi raw sila tinatablan ng anumang virus kabilang na ang coronavirus disease (COVID-19).

Ang kanilang argumento, pinoprotektahan umano sila ng Banal na Espiritu na sumasabnib sa kanila.

Ang grupong tinatawag na Zion of God ay matatagpuan sa Mt. Zion, Prosperidad, Agusan del Sur.

Upang matunghayan ang umano'y pagsanib, pinuntahan ng Kapuso Mo, Jessica Soho team ang nasabing lugar.

Mula sa jump-off point ng Mt. Zion ay sinundo na ang KMJS team ng mga lalaking nakaputi at kasapi ng samahan.

Hindi umano maaaring nakasuot ng itim ang sinumang tutuntong sa lugar kaya pinagpalit ang team, na nakasuot ng itim, ng mga puting damit bago pinatuloy sa Mt. Zion, ang umano'y holy land sa Mindanao.

Bukod dito, gumagamit din ang grupo ng watawat ng Israel, ang itinuturing na “Holy Land” ayon sa Bibliya.

“Ang Mindanao is the promise land. It is written. Sabi ni Lord, pinili niya ang Mindanao dahil mahal niya ang Mindanao and the Philippines,” lahad ni Nieva Plaza, pastora sa Zion of God.

Para naman maging kasapi ng samahan, dadaan muna sa holy fire baptism kung saan sinasapian umano ng Banal na Espiritu ang sinumang magpapabinyag.

Hinggil sa nagaganap na pagsapi, ani ni Nieva, “Kasi ang katawan natin is marumi. Hindi si Lord makapagsanib kung hindi muna niya lilinisin ang kanyang spiritual fire.

“After shaking, aalis sila sa katawan nila. They will travel to hell, travel to heaven. 'Yung mga willing na heart, 'yun lang pinapasukan ni Lord.”

Dagdag pa ni Nieva na tumatayong pinuno ng grupo, hindi raw sila tatablan ng COVID-19.

“Different sicknesses they have due to Satan, so aalis 'yon. Pati coronavirus malayo dito sa Zion of God,” aniya.

Tinalikuran ni Nieva ang pagiging guro, ang kanyang siyam na anak at 10 apo upang panindigan ang samahan.

Nagsimula umano ito apat na taon na ang nakararaan nang mapanaginipan niya si Jesus.

“God called me at three o' clock in the morning. 'Nieva! Nieva! Gising!,” aniya.

Ayon pa sa kuwento ng pinuno ng Zion of God, minsan na din niyang kinuwestiyon si Jesus kung bakit siya ang inatasan niya ng tungkulin.

Aniya, “'Lord, bakit ako. 'Di ko kaya, Lord.' Sabi ni Lord Jesus, 'Kaya mo, sasamahan kita.'”

Mas kilalanin ang mga miyembro ng samahang Zion of God na hindi umano tinatablan ng kahit anong virus sa espesyal na pagtatampok ng Kapuso Mo, Jessica Soho:

KMJS: Pagpapaturok ng gluta, healthy o deadly?

KMJS: Namamagang mukha ni Ritchelle Bernal, dahil sa contact lens?