Showbiz News

Filipino theme song ng Koreanovela 'Stairway to Heaven,' sikat din sa ibang bansa

By Dianara Alegre

Magbabalik-telebisyon ang Philippine adaptation ng unang Koreanovela na ipinalabas sa bansa, ang Stairway to Heaven, na pinagbibidahan nina Kapuso Primetime King Dingdong Dantes at Kapuso star Rhian Ramos.

Labis na sumikat ang serye dahil sa ganda ng istorya nito, sa mga artistang gumanap rito, at sa patok na patok na theme song ng Stairway to Heaven.

Fifteen years na ang nakakaraan mula nang sumikat ang kantang “Pag-ibig Ko'y Pansinin,” na theme song ng nasabing serye na ipinalabas sa Kapuso Network.

Ito ay isinulat at inawit ng singer na si Faith Cuneta.

“Fifteen years ago, du'n nag-start ang Koreanovela sa Pilipinas na ginawa natin dito sa GMA. So most sa mga theme song, halos lahat ng theme songs ng Korean [series] na 'yon, ako 'yung kumanta,” sabi ni Faith.


Ngunit ang kaibahan ng “Pag-ibig Ko'y Pansinin,” original Filipino music ito.

“Pero 'yung mga theme song ngayon, lahat 'yon Korean na tinagalog except for this 'Stairway to Heaven,' na original Filipino music,” dagdag pa ng singer.

Binansagan ding Koreanovela Diva dahil siya rin ang umawit ng theme songs ng Korean series Endless Love, Winter Sonata, at Jewel in the Palace.

“Kapag nagta-travel ako ng ibang bansa, especially sa Asia tapos Japan, talagang alam na alam nila 'yung 'Stairway to Heaven.'

“Even the theme song, kahit 'yung Tagalog, parang familiar na familiar even the local Japanese,” dagdag pa ni Faith.

Sa kasikatan ng kanta, ginawan ito ni Comedy Genius Michael V. ng parody na pumatok din at pinag-usapan nang i-release.


Sa Lunes, May 18, ay mapapanood na muli ang Philippine Adaptation ng Stairway to Heaven na pinagbibidahan nina Dingdong ay Rhian.

WATCH: 'Stairway To Heaven,' magkakaroon ng TV comeback