Showbiz News

Model-host Avi Siwa, arestado dahil sa pagbebenta ng COVID-19 test kits

By Aedrianne Acar

Hinuli ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation ang model-TV host na si Avi Siwa dahil sa umano'y hindi awtorisadong pagbebenta ng COVID-19 test kits.

Ayon sa panayam ng 24 Oras kay Ronald Aguto, hepe ng NBI-International Operations Division (IOD), dapat may permit ng Food and Drug Administration (FDA) si Siwa para sa ginagawa niyang pagbebenta ng COVID-19 test kits.

Ayon pa sa ulat, hindi baba sa P70,000 na halaga ng test kits ang naibenta ni Avi sa undercover agent ng NBI.

Saad ni Aguto, "Mayroong advisory ang FDA natin na kung ikaw ay involved sa pagbebenta o pagdi-distribute nitong mga test kits kailangan mayroon kang permit or lisensya galing sa kanila."

Sa kabilang banda, dumepensa si Avi Siwa at sinabing hindi ilegal ang pagbebenta niya ng COVID-19 test kits.

Aniya, licensed siyang magbenta pero "not as a pharmacist [but as] a trading medical equipment trading company. I have that!

"I'm registered in DTI, but I can prove myself that I'm not guilty."

Nakunan din ng 24 Oras nang magkaroon ng tensyon sa pagitan ni Avi at isang complainant na si Jessilyn Fernando.

Nire-reklamo niya ang modelo sa PhP16 million na halaga ng bigas, na dapat daw ay ipamimigay sa mga residente sa Cebu ngunit hindi umano ay na-deliver ni Siwa

Ani Fernando sa suspect, "Nag-down ako ng 25 percent dun sa usapan naming 10,000 sacks para 'yan sa mga tao na nangangailangan ng ano... gutom na. Wala siyang napadala,"

Sinagot naman ni Avi Siwa ang paratang ni Jessilyn laban sa kanya.

Paliwanag niya, "Nag-release kami ng 800 sacks for there, 'tapos 'yung dito rin hindi nabayaran 'yung kumpletong 10,000 sacks. So siya 'yung may utang sa akin.

"I don't why she is doing this para siyang sira. Kung ayaw niya, ay **** talagang makikipaglaban ako."

Panoorin ang buong ulat ni John Consulta sa 24 Oras: