Showbiz News

KMJS: Anting-anting, mabisang pangontra rin sa COVID-19?

By Dianara Alegre

Nangangamba ngayon ang mga residente ng Barangay Gulod sa Novaliches, Quezon City dahil apat sa kanila ang kumpirmadong nag-positibo sa 2019 coronavirus disease (COVID-19) habang 60 katao naman ang kabilang sa persons under monitoring (PUM) na nagpakita rin umano ng mga sintomas ng sakit.

Pero sa gitna ng lahat ng ito, isang lalaki ang kampante na hindi siya kakapitan ng virus dahil sa kanyang mabisang pangontra, ang kanyang anting-anting.

Kilalanin si Mang Benjamin Bakal, ang tinatawag na Head Blesser Haring Bakal ng grupong Davao Democratic Brotherhood Crusader Haring Bakal of the Philippines Inc. Ang nasabing organisasyon ay binubuo ng mga indibiduwal na nagmamay-ari ng magkakahalintulad na anting-anting.

“Kaya ako sumali sa grupo na ito para makaligtas din ng ibang tao,” lahad ni Mang Ben.

Para makatulong sa ibang mga miyembro ng kanilang samahan, gumawa si Mang Ben ng sarili niyang anting-anting at siya na rin mismo ang nagriritwal sa mga ito.

Ang tawag niya sa mga anting-anting ay “libon ng niyog.”

“Sa loob nito ay nakalagay ang mga orasyon. Ako lang gumawa nito,” aniya.

Nagbahagi rin siya ng mga aksidenteng dinanas niya at kung paano siya natulungan ng anting-anting.

“Na-stroke ako. Marami akong aksidente at hindi ako nagpapagamot, nagriritwal ako lalo na nu'ng hindi ako makakilos.

At ngayong may pandemic, hindi raw inaalis ni Mang Ben ang “libon ng niyog” sa kanyang katawan.

“Itong kwintas na ito isinusuot ko lagi na ngayon lalo na may pandemic. Nananalangin ako para sa kaligtasan nating lahat.

“Simula nu'ng pandemic, ni isa walang tumatawag sa akin na nagkakasakit, dahil nagkakaisa kami ng panalangin,” dagdag pa ni Mang Ben.

KMJS: Zion of God, exempted sa COVID-19?

KMJS: Dugo ng cobra, lunas daw sa iba't ibang sakit?

Panooring kung paano ginagawa ni Mang Ben ang ritwal para sa anting-anting sa espesyal na pagtatampok na ito ng Kapuso Mo, Jessica Soho: