Showbiz News

Mga mag-uuling, kabilang sa natulungan ng GMA Kapuso Foundation sa Malabon

By Marah Ruiz

Kabilang ang mga mag-uuling sa mga naapektuhan ang hanapbuhay dahil sa COVID-19 sa Brgy. Catmon, Malabon.

Nahihirapan kasi silang mangalakal ng kahoy dahil sa lockdowns na dulot ng pandemic.

Kaya naman minarapat ng GMA Kapuso Foundation na hatiran ng tulong ang mahigit 3,000 tao na residente ng barangay.

Namahagi dito ng GMA Kapuso Foundation GCQ Family Pack na may groceries, lutong pagkain, frozen longganisa, tinapay, biskwit, at sabong panligo.

Naging posible ito dahil sa mga donasyon mula sa Buddy's Gardenia Bakeries Phils. Inc., Vikings Group of Restaurants, Doña Maria Premium Quality Rice, at isa iba pang indibidwal na donors.

Katuwang pa rin sa paghahatid ng tulong ang Joint Task Force-NCR ng AFP, Malabon City Police Station, Malabon City Community Precint 9, at mga volunteers mula sa Brgy. Catmon.

Patuloy ang GMA Kapuso Foundation sa paglikom ng pondo para sa medical supplies na ihahandog sa COVID-19 frontliners at sa mga pampublikong ospital sa ilalim ng kampanyang Operation Bayanihan: Labanan Natin ang COVID-19.

Kasama na rin dito ang pagbibigay ng grocery packs para sa mga pamilyang hindi makapaghanapbuhay dahil sa enhanced community quarantine.

Maaaring mag-donate sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang official website.

Maaari din bumili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shoppee at Zalora, mag-convert ng Metrobank credit card rewards points, o gumamit ng PayMaya para mag-donate sa GMA Kapuso Foundation.