Showbiz News

Jose Mari Chan, sumuporta sa kampanya ng GMA Kapuso Foundation para sa mga estudyante

By Marah Ruiz

Tuloy pa rin ang Unang Hakbang sa Kinabukasan campaign ng GMA Kapuso Foundation para sa mga estudyanteng nakatakdang bumalik sa paaralan ngayong parating na pasukan.

Pero bukod sa school bags at school supplies, minarapat ng GMA Kapuso Foudnation na handugan din sila ng ilang pang mga gamit para maprotektahan sila sa banta ng COVID-19.

80,000 estudyante mula Kinder hanggang Grade 2 ang nabigyan ng school bags, school supplies at Labanan ang COVID-19 kit na may lamang dalawang washable face masks, germicidal soap at alcohol.

Para maipagpatuloy ang pagbibigay sa iba pang mga estudyante, nananawagan pa ng mga donasyon ang GMA Kapuso Foundation.

Isa sa mga tumugon ang singer-songwriter na si Jose Mari Chan.

"Many of us are senior citizens so we are advised na porke we are susceptible to the virus that it's better for us to help by other means. This GMA Kapuso Foundation is one perfect vehicle for helping others," aniya.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa Ever Commonwealth na maraming taon nang naging katuwang para sa Unang Hakbang sa Kinabukasan campaign, pati na sa STC Paper & Plastic Packaging Solutions at kay Jose Mari Chan para sa kanilang mga donasyon.

Para sa mga nais magbigay ng tulong, bumista lang sa kanilang official website.