Showbiz News

Yasser Marta, isinawalat ang 'nakaraan' nila ni Mikee Quintos

By Marah Ruiz

Tampok sina Kylie Padilla, Gabbi Garcia, Sanya Lopez, Mikee Quintos, at Ruru Madrid sa Kapuso ArtisTambayan na ginanap noong June 25.

Online reunion ito ng Encantadia stars, at si Kapuso actor Yasser Marta ang nagsilbing host para dito.

Sa kanilang kuwentuhan, naibahagi ni Yasser na minsan na niyang nakilala si Mikee bago pa man sila naging artista sa GMA Network.

"I just want to share 'to kay Mikee din. Kasi before, una kitang na-meet five years ago, mas matagal pa ata sa Encantadia," panimula ni Yasser.

"Parang nag-audition tayo for a reality show na sobrang thousands din 'yung nag-audition. Sampu na lang tayong natira. Doon ko sya na-meet.

"Noong nakita ko siya doon, sabi ko, ang cute naman noong babaeng ito," dagdag pa ni Yasser.

Ikinagulat naman ito nina Kylie, Gabbi, Sanya at Ruru.

"May aminang nagaganap," biro ni Sanya.

Itinuloy naman ni Yasser ang kanyang kuwento.

"Ang dami namin, siguro mga libo 'yun tapos sampu na lang kaming natira. Then after noon, hindi ko na siya nakita. After two years biglang nasa GMA na kami," aniya.

Kinumpirma naman ni Mikee ang kuwento ni Yasser.

"Nagkita kami, nasa GMA na 'ko. Nakita kong ang familiar ni Yasser noon.

"Doon ko nga naalala na doon ko siya unang nakita [sa audition].

"Alam mo bang first impression ko diyan kay Yasser, sobra naman 'tong lalaking 'to. Sobrang competitive!" bahagi naman ni Mikee.

Patuloy naman silang tinukso ng kanilang mga kaibigan.

"Diyan nagsisimula 'yan, Mikee," ani Gabbi.

Tukso naman ni Ruru, "Reunion niyo ba 'to?"

Bukod sa kuwentuhan, sumabak din sina Kylie, Gabbi, Sanya, Mikee at Ruru sa isang Pinoy trivia game.

Si Sanya ang nanaig sa laro at nangakong magpapadala ng turon sa kanyang mga kaibigan.