Showbiz News

Willie Revillame at Donita Nose, pinangalanang ninong at ninang ng anak ni Super Tekla

By Cherry Sun

Nagpaabot ng pasasalamat si Super Tekla kina Willie Revillame, Donita Nose na kanyang pinangalanang ninong at ninang ng kanyang anak na si baby Angelo, at pati na sa lahat na patuloy na tumutulong at nagdarasal para sa kaligtasan ng kanyang anak.

Nitong Hunyo, ibinahagi ni Super Tekla ang pagdating ng isang biyaya sa kanyang buhay, ang kanyang baby Angelo. Ngunit kasabay nito ang isang matinding pagsubok. Isinilang kasi ang kanyang anak na may anorectal malformation o walang butas ang puwit kaya't sa murang edad ay kinakailangan nito sumailalim sa iba't ibang operasyon.

Matindi man ang kinakaharap na problema ng komedyante, patuloy pa rin siyang nagpapasalamat dahil sa natatanggap na tulong mula sa kanyang mga kaibigan at katrabaho. Kabilang na rito sina Willie at Donita Nose na pareho niyang nakausap nang personal sa July 3 episode ng Wowowin.

Pasasalamat niya sa kanyang Facebook post, “Sa aking Tahanan, GMA Network! Salamat sa pinakamamahal naming Boss Atty. Felipe L. Gozon, Thank you Boss for granting a benefit show for my little boy baby Angelo. GMA [Kapuso] Foundation, GMA Artist Center, sa Entertainment Group headed by Ms. Lilybeth [Rasonable], Ms. Redgie [Magno], Ms. Cheryl [Ching-Sy], at mga PM, lalong lalo na sa aking BDD2 family Ms. Janine [Piad-Nacar], Ms. Bang [Arespacochaga), Ms. Mildred [Natividad] at Ms. Nini Matilac, at sa aking manager Rosemarie Parado Conde. Salamat din sa ating mahal at public servant na nagbigay na tulong kay Baby Angelo, Sen. Bong Revilla Jr., Sen. Bong Go.

“Thank you rin kay Ninong Willie (Wilfredo Revillame) at Ninang Donita Nose at sa mga kasamahan ko sa industry, Direk Archie Riola, Direk Rico Gutierrez at sa aking sobrang bait at kahit anung oras at sitwasyon andiyan siya, Ninong Nelson Canlas. Salamat sa mga nag-bid sa auction ni Ninang Lovely Abella kagabi para sa operation ni Baby Angelo at sa AOS (All Out Sundays) Family, sa mga kapwa ko comedians lalo na sa aking partner na si Boobay (Norman Balbuena).”

Puno rin ng pag-asa si Super Tekla na dahil sa tulong pinansyal at pagdarasal ng mga tao ay patuloy na naililigtas ang buhay ng kanyang baby Angelo. Dagdag din ng komedyante, muling sasailalim sa operasyon ang kanyang anak ngayong Martes.

Dasal niya, “Panginoon, patnubayan po ninyo at balutin mo ng iyong kapangyarihan ma-guide, maisagawa ng mga doctor na mag-opera sa kanya. Sana'y patnubayan mo po na maging safe at matagumpay ang pinakamaselan at delikadong operation ni Angelo.

“Nak, fight fight lang ha. Ang daming nagmamahal at nagdarasal sa'yo. Andito lang si Daddy. Be strong! Mahal na mahal ka namin ni Ate mo Airah. In Jesus's name, amen.”

Noong June 26 ay sumailalim na sa kanyang unang operasyon si baby Angelo. Nananatili sa ospital ang bagong silang na anak ni Super Tekla.