Showbiz News

TV/radio anchor Susan Enriquez, aminadong apektado sa mga kuwento na nire-report ngayong may pandemya

By Aedrianne Acar

Lalong nakilala ng mga miyembro ng entertainment press ang award-winning Kapuso news personalities na sina Professor Winnie Monsod, Kara David at Susan Enriquez, na magiging hosts ng tatlong programa na bahagi ng bagong primetime strip na New Normal: The Survival Guide na mapapanood sa GMA News TV.

Sa ginanap na video conference kasama ang tatlo kaning umaga, July 9, nagbahagi sila ng kani-kanilang experiences habang kinakaharap ang COVID-19 pandemic.

Isa sa mga tanong na pinaunlakan nila ay nang tanungin sila ng GMANetwork.com kung may pagkakataon ba na nahihirapan silang ihiwalay ang kanilang personal feelings sa mga kino-cover o tinatalakay nilang balita o isyu bunsod ng coronavirus.

Para sa George Foster Peabody awardee na si Kara David, sinabi niya na hindi siya nahihirapan sa mga istorya na ginagawa niya ngayong may pandemic, kahit gaano pa ito nakapanlulumo.

Pero mahirap ang naging adjustment niya sa mga sitwasyon na kahit gusto niya i-comfort ang kanyang interviewee ay hindi niya magawa, dahil kailangan sumunod sa social distancing.

Kuwento ng Kapuso TV host, “Ang nahihirapan ako ngayon, yes, because may social distancing dati puwede mo pa silang i-hug alam mo 'yun to try to comfort them somehow or alam mo na gutom na, you share your food.

“'Yung dati may ganun pa klaseng human touch na puwede mo gawin, pero ngayon may social distancing.”

Inalala rin ni Kara ang recent shoot niya sa new program na Bright Side kung saan may case study sila na biker na bumibiyahe mula Antipolo papuntang San Juan na tumatak sa kanya.

Wika nito, “I remember itong shoot namin na 'yung biker talagang nahirapan siya talaga from Antipolo galing sa bundok tapos papuntang San Juan, tapos sa kalagitnaan ng pagba-bike namin na-flat-an siya.

“'Tapos alam ko na sobrang luma nung bike niya, 'yung parang gusto mo na lang tulungan na ikaw na lang magtulak, ikaw na lang magbisikleta para sa kanya.

“Akayin mo na lang pero hindi puwede, 'tapos 'yung part na medyo naiiyak na siya in a way gusto mo siya kahit papaano 'yung i-comfort pero 'Ooops! Huwag! Mag-mask po tayo and social distancing.' So feeling ko 'yun lang 'yung pinaka nahirapan lang ako dito sa pandemic na ito.”

Umamin naman ang DZBB Super Radyo anchor na si Susan Enriquez na may mga pagkakataon na naapektuhan siya mga istorya na ginagawa niya.

Sambit niya, “Siyempre bilang journalist dapat objective ka, pero talagang darating 'yung punto tatamaan ka rin.

“Mararamdaman mo rin kung gaano kabigat 'yung kinakaharap nung ibang taong mga nakakausap natin. Kasi bago itong pandemic, halimbawa, may lumapit sa iyo, nagugutom binigyan mo ng pagkain.

“Alam mong natugunan na 'yung kanyang need, nagugutom siya. Pero ngayon iba!

“Nabigyan mo siya pero alam mo hindi doon natatapos, kasi lalo na kung wala siyang tirahan, nakatira siya sa kalsada.

“Sabi nga stay at home, saan siyang home titigil?”

Ramdam din daw ng veteran broadcaster ang fears at anxieties ng mga nakakapanayam niya.

“Pag-iisipin mo ikaw, nararamdaman mo kung ano 'yung fears niya, ano 'yung worries niya 'di ba? Kung ako natatakot ako sa COVID-19, hindi ba siya natatakot?

“Natatakot din siya 'di ba?”

Dagdag ni Susan, “Hindi mo nga nakikilala minsan 'yung mukha ng kausap mo e, dahil naka-cover kayo ng face mask, tapos bukod doon may face shield pa, kasi 'yun 'yung way to protect yourself e.

“Kaya minsan, kahit ayaw mo ipakita pero deep inside nasasaktan ka, naiiyak ka, nalulungkot ka doon sa sitwasyon na nakikita mo sa paligid mo lalo na ng kapwa mo.”

Ayon naman sa resident Kapuso expert at ekonomista na si Winnie Monsod, nakakaramdam siya ng galit sa tuwing nakikita ang mga nakapanlulumong sitwasyon o balita bunsod ng COVID-19.

Ngunit, palaging paalala niya sa kanyang sarili na sa tuwing may tatalakayin na isyu ay dapat manatili ang pagiging patas at objective niya.

“The fact is, when I see these things I get angry. That's my natural reaction.

“It's good to get angry, as long as you don't let your anger rule what you are about to say. You have to be as objective as possible you know. You have to be objective, nobody says that you have to be unemotional.”

Labanan ang misinformation at fake news sa panonood ng bagong primetime offering ng GMA News TV na New Normal: The Survival Guide.

Mapapanood tuwing Lunes ng gabi si Prof. Winnie Monsod sa News Makers at hatid naman ni Kara David ang inspiring stories sa Bright Side pagdating ng Martes.

Kay Susan Enriquez naman tayo tuwing Miyerkules ng gabi at tatalakayin niya ang lahat ng money matters para maka-survive sa new normal sa programa niya na Pera Paraan.

Abangan ang lahat na ito sa GMA News TV soon, dahil 'pag sama-sama, kayang-kaya ang hamon na hatid ng COVID-19 pandemic.