Showbiz News

Tina Paner, makikipagrelasyon sa mas batang lalaki sa 'Wish Ko Lang'

By Racquel Quieta

Kaabang-abang ang role na gagampanan ni Kapuso actress Tina Paner sa bagong 'Wish Ko Lang' ngayong Sabado.

Sa episode kasi na pinamagatang 'Single Dad,' sa panulat ni Evie Macapugay at sa direksyon ni Rommel Penesa, gaganap si Tina bilang isang buntis na misis na mangangaliwa sa kanyang mister na na-stroke.

Si Gardo Versoza ang gaganap bilang asawa ni Tina at ang Kapuso actor na si Anjo Damiles naman ang gaganap bilang karelasyon niya sa nasabing 'Wish Ko Lang' episode.

Hindi basta-bastang pangangaliwa ang mapapanood sa episode dahil sa mas batang lalaki ipagpapalit ng buntis na misis ang kanyang mister at patitirahin pa niya ito sa kanilang tahanan.

Napaka-kontrobersyal ng tampok na kuwento sa bagong 'Wish Ko Lang,' kaya naman maging si Tina ay nagulat at nanibago sa kanyang role.

“Nakakapanibago kasi first time ko yung ganung klaseng role. Flirty siya. Pero in real life 'di ko kaya yun. Pero naitawid naman. Na-challenge ako sa role.”

Nagbigay din ng payo si Tina sa mga mag-asawang may pinagdadaanang kaparehong problema ng kanyang karakter.

“Ang payo ko is kung hindi na kayo masaya sa isa't isa sana isipin n'yo na lang yung kapakanan ng mga anak nyo.

“But then kung hindi na talaga healthy ang relationship n'yo bilang mag-asawa, at least be friends para sa mga anak n'yo.”

Kasama rin sa cast ng 'Single Dad' episode sina Micko Laurente at Miggs Cuaderno.

Panoorin ang kontrobersyal na istoryang tampok ngayong Sabado sa bagong 'Wish Ko Lang,' alas-kwatro ng hapon sa GMA-7.