Showbiz News

Gwapings member Eric Fructuoso, 'namamasada' muna habang walang trabaho?

By Dianara Alegre

Iba't ibang industriya ang pansamantalang natigil dahil sa quarantine protocols na ipinatupad ng gobyerno upang mapigilan ang pagkalat ng COVD-19.

Kabilang na rito ang entertainment industry na kinabibilangan ng aktor at dating Gwapings member na si Eric Fructuoso, na nagpahayag ng opinyon tungkol sa mga marangal na pagkakakitaan ngayong may pandemya, kabilang na ang pamamasada ng tricycle.

Ibinahagi niya ito sa kanyang Instagram account nitong Martes, August 11, kasama ang litrato niya na “namamasada” ng tricycle.

“Times like these hindi pwedeng kaartehan ang paiiralin! Basta legal na pagkakakitaan para sa mga anak, tirahin lang nang tirahin!” aniya.

Batay sa mga sagot niya sa mga komento ng kanyang followers, sa Naic, Cavite raw kinunan ang naturang larawan.

Ngunit totoo man o biro lamang ang naturang post, marami sa kanyang followers ang sumang-ayon sa kanyang sentimyento.

Source: eric.fructuso (IG)

Sa kasalukuyan ay abala si Eric sa paggawa ng content para sa kanyang YouTube channel, gayundin ng paggawa ng TikTok videos bilang libangan.

UPDATE:

Samantala, dahil sa nag-viral ang naturang litrato at marami ang humanga sa kanyang umano'y dedikasyon, nilinaw ni Eric na hindi totoong namamasada siya ng tricycle.

Sa kanyang Facebook, ipinaliwanag ng aktor na nais lamang niyang maka-inspire sa kapwa niya Pilipino.

Komento niya sa nasabing larawan, “Picture lang to motivate and inspire. Hindi lang inintinde 'yung post pero keri lang. Hindi ko rin naman tatanggihan ang pagkakataon.”

Dagdag pa ng aktor, ibinahagi niya raw umano ang naturang larawan para maghatid ng inspirasyon at maging modelo para sa iba.

“Sa panahon kasi ngayon, hindi puwedeng maarte. Hindi pwedeng kaartehan ang pairalin. Basta ang pagkakakitaan ay ligal, titirahin natin.

“I'm just trying to live by example. Ibig sabihin, maging good example tayo sa ibang tao. Hindi dapat natin ikinahihiya 'yung ginagawa natin kasi may iba nahihiyang magbenta-benta, nahihiya sa pade-deliver ng kung ano-ano. At least kumikita 'di ba?

“Sa akin lang, hangga't hindi sila 'yung nagpapakain sa inyo ay 'wag niyo silang intindihin. Ganun lang 'yan. Walang mababang trabaho dahil trabaho lang 'yan. Lahat ng trabaho ay may silbi.

“Hindi naman tinuro sa school at ni God na maging judgmental tayo or maging mapanlait sa ibang tao. Always be kind to people,” dagdag pa niya.

Kasalukuyang nasa Lipa, Batangas si Eric kasama ang kanyang pamilya.