Showbiz News

Lovely Abella, proud na hindi lang nakahon sa pag-aartista

By Jansen Ramos

sa gitna ng COVID-19 pandemic, napagdesisyunan ni Kapuso actress/dancer Lovely Abella na mag-aral muli para maging certified fitness instructor.

Sa July 23 episode ng New Normal: The Survival Guide series na Home Work, inilahad niya ng Bubble Gang star na importanteng maging madiskarte ngayon. At isang paraan ang pagpapayabong ng kaalaman dahil maaari itong maging source of income, lalo na at nahinto ang mga taping at event.

"Hindi pala pwede na naka-focus tayo dahil ito lang ang alam mo.

"Ang alam ko lang kasi 'yung umarte e, ang alam ko lang magpatawa ng tao, ito lang ang kaya ko, e.

"Nangyari 'to [pandemic], so 'yung realization na kailangan mo mag-move out sa ito lang 'yung kaya mo.

"Kailangan mong maghanap ng ibang way ngayon.

"Tingnan mo, kaya ko pala. Wow, [humanga] ako sa sarili ko," pahayag ni Lovely.

Napili niyang maging fitness coach dahil hindi lang ito maaaring pagkakitaan kung 'di mai-inspire pa niya ang ilan para mapanatiling healthy ang kanilang pangangatawan.

Dahil sa community quarantine, minabuti ni Lovely na maglunsad ng HIIT (high-intensity interval training) classes sa pamamagitan ng video conferencing app na Zoom, kung saan pwedeng sumali ang mga nais magpa-fit this pandemic.

"'Yun ang strength ko, kaya kong ituloy-tuloy 'yan ng 45 minutes or one [hour], basta may rest in between.

"And alam ko kasi ang HIIT is best cardio para mag-lose ka ng weight at the same time building muscles," sabi niya.

Bukod sa pagko-conduct ng workout classes, pinasok na rin ni Lovely ang online selling.

Kamakailan lang ay inilunsad niya ang kanyang pinakabagong business venture na Lovely Cosmetics.

"Hindi natin alam na magiging ganito ang sitwasyon natin. Hindi natin alam na dadating ang pandemic sa buhay natin.

"Dumarating depression, anxiety, pero siguro ito 'yung time para mas mag-aral tayo, palawakin 'yung mga isip natin kung paano tayo makakaraos sa sitwasyon na 'to," payo ni Lovely, na dating nakilala bilang dancer ni Willie Revillame.

Panoorin ang buong panayam sa Home Work:

Muling napapanood si Lovely sa Bubble Gang matapos ang ilang buwan.

Tunghayan ang fresh episodes ng award-winning gag show tuwing Biyernes, pagkatapos ng GMA Telebabad.