Showbiz News

Alden Richards named USAID's Ambassador of #EndTB campaign in PH

By Dianara Alegre

Bukod sa pagiging celebrity ambassador ng anti-COVID-19 campaign ng Department of Health (DOH), isa na ring ambassador ng United States Agency for International Development's (USAID) para sa End Tuberculosis campaign sa Pilipinas si Asia's Multimedia Star at Centerstage host Alden Richards.

Nang kapanayamin ng 24 Oras, ibinahagi ni Alden na mahalagang makakalap ng wastong impormasyon ang publiko tungkol sa public health and safety hindi lang sa sakit na COVID-19 kundi pati sa Tuberculosis, lalo na ngayong pandemic.

“Aligned with COVID-19 'yung precautionary methods that should be taken to avoid the disease kasi parehas silang respiratory illness, tapos contagious,” aniya.

Nakatuon din umano ang atensyon ng aktor sa pagpapatibay ng kanyang resistensiya dahil sa kanyang pagbabalik-taping.

Aniya, hindi lang pisikal na pangangatawan ang kanyang pinagbubuti dahil pati ang mental health niya ay pinagtutuunan niya rin ng pansin.

“Mentally, kagaya ng mindset ko before, hindi ko hahayaang idikta ni pandemic kung paano ako mabubuhay everyday. Hindi ko hahayaan 'yung sarili kong matakot,” dagdag pa niya.

Samantala, ibinahagi rin ni Alden na sabik na siyang magbalik-taping para sa susunod niyang TV project.

“This is an effort of GMA to produce new content for the viewers, for the Kapuso na natin na nanonood at sumusuporta sa network,” lahad pa niya.

Bukod dito, araw-araw ding napapanood ang actor-TV host sa longest running noontime show na Eat Bulaga.