Showbiz News

Vicky Morales, excited sa Winner September specials ng Wish Ko Lang!

Bukod sa linggo-linggong pamimigay ng regalo, excited na rin si Kapuso News Pillar Vicky Morales sa Winner September episodes ng Wish Ko Lang. Aniya, "Ngayon pa lang, na-e-excite na ako sa line up ng episodes ng Wish. Winner ang mga cast!"

Ang lahat ng mga istoryang itatampok sa Wish Ko Lang ngayong Setyembre, talagang binusisi at tiniyak na magugustuhan ng mga manonood. Maging ang head writer ng Wish Ko Lang na si Erwin Caezar Bravo, talagang tutok sa paghahanap ng mga kuwento.

"Usually, we look for stories na bago, kakaiba, and syempre dapat super deserving na matupad ang wish."

Kahit maraming limitasyon sa produksyon ngayong panahon ng quarantine, sinigurado ng buong Wish Ko Lang team na malalaki at talagang mas pinatindi ang mga eksenang mapapanood sa Winner September.

Ani Rommel Penesa, isa sa mga direktor ng Wish Ko Lang, "Magugulat sila kasi kahit pandemya, talagang nilakihan namin ang mga eksena. Mahirap nga lang with all the safety guidelines lalo na at konti lang ang taong allowed sa set, pero nagawa naman namin. Magagaling naman lahat ng kasama ko, lalo ang mga artista. Super professional."

Ang isa pang direktor ng Wish Ko Lang na si Rember Gelera, excited din sa mga magaganap ngayong Setyembre sa programa. "For September, jampacked talaga. May nalunod, may inararo, nasunog, at inilibing. Winner talaga!"

Magsisimula ang Winner September ngayong Sabado, September 5. Tampok dito ang istorya ng isang pamilya na inanod ng baha ang bahay kaya nalagay sa peligro ang buhay. Kasama rito sina Glydel Mercado, Allen Dizon, at Teri Malvar. Ito ay sa panulat ni Evie Macapugay, punong-panulat ni Erwin Caezar Bravo, at sa direksyon ni Rommel Penesa.