Showbiz News

Alden Richards, ibinahagi ang 'new normal' sa set ng 'I Can See You: Love On The Balcony'

By Dianara Alegre

Ibinahagi ni Asia's Multimedia Star Alden Richards na nanibago siya sa unang acting project niya matapos ang ilang buwang community quarantine.

Kabilang si Alden sa star-studded cast ng pinakabagong drama anthology ng GMA Network, ang I Can See You.

Tampok dito ang apat na mini-series ang “Love On The Balcony,” “High Rise Lovers,” “The Promise,” at “Truly. Madly. Deadly.”

Bibida ang aktor sa unang installment, ang “Love On The Balcony,” katambal si Kapuso leading lady Jasmine Curtis-Smith.

Jasmine Curtis-Smith at Alden Richards / Source: kapusoprgirl (IG)

Nang kapanayamin ng 24 Oras, ibinahagi niya ang mga pagbabago sa setup ng tapings kabilang na ang dami ng production staff.

“First project shoot ko 'yun since March. So, sobrang iba talaga na hindi nga lang cut in half 'yung workforce, e, more than.

“'Yung mga preparation prior to tapings nag-iba rin. Swab testing, tapos health monitoring.

"On the set, health monitoring pa rin. After nung taping namin, 'yung last day, nag-antigen swab kami.

“'Tapos lahat hindi ko nakita 'yung mukha. Lahat naka-mask, lahat naka-face shield. So, new environment,” aniya.

Makakasama rin nina Alden at Jasmine sa serye sina Pancho Magno, Denise Barbacena, at Shyr Valdez sa ilalim ng direksyon ni LA Madridejos,

Mapanonood na ang I Can See You: Love On The Balcony sa Lunes, September 28, sa GMA Telebabad.

Samantala bukod sa bagong serye, mapapanood din ang “Bida Ang May Disiplina” campaign ambassador sa special documentary ng GMA Public Affairs, ang Lockdown: Food Diaries.

Ayon kay Alden, espesyal sa kanya ang proyekto dahil isa rin siyang restauranteur na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic.

“Paano nga ba naapektuhan ng pandemya ang food industry?

"So, very compatible rin siya sa akin since mayroon tayong mga restaurant and I can really speak firsthand from experience kung ano talaga 'yung naranasan namin,” sabi pa ng aktor.