Showbiz News

Sam Pervaiz, pinasok ang vlogging para mahanap ang Pakistani niyang ama

By Dianara Alegre

Marami sa mga pumasok sa vlogging ang gustong sumikat at siyempre pa kumita habang ginagawa ang kanilang mga hilig at interes.

Pero hindi ito ang hangarin ng Filipino-Pakistani na si Mohammad Qasam Pervaiz o Sam, 20, dahil kaya niya pinasik ang vlogging ay dahil umaasa siyang mapapanood siya ng ama niyang Pakistani na halos dalawang dekada na niyang hindi nakikita.

Source: mopervaiz (IG)

Ayon kay Sam, ang pangalan ng kanyang ama ay Mohammad Pervaiz.

“Iniisip ko kasi na baka one day or one time, umabot sa kanya 'yung ginagawa kong mga videos. Hinahanap ko siya.

“Mahirap lumaki na walang tatay. Si Mama na 'yung nagsisilbing nanay at tatay ko,” aniya.

Kwento ng nanay ni Sam na si Josephine Joson, nagkakilala sila ni Mohammad sa Hong Kong.

“Mayroon kasi siyang door-to-door [delivery sa] Philippines. Hanggang naging magkabigan kami, nagkaligawan,” lahad niya.

Nagbunga ang kanilang pagmamahalan at si Sam nga ito. Dagdag pa ni Josephine, dito na lamang nila sa Pilpinas ipinagpatuloy ni Mohammad ang kanilang negosyo.

“Dito na lang kami nag-business. Sa Cabanatuan, sa mga pinsan ko. Every two weeks noon, umuuwi siya ng Pilipinas,” aniya.

Ngunit hindi na nakabalik muli sa Pilipinas si Mohammad nang tumalbog sa bangko ang tseke na ibinigay sa kanila ng kanilang mga katransaksyon. Nauwi ang sitwayson sa pagkabilang ng dayuhan sa blacklist ng Bureau of Immigration (BI).

“Siguro po ayaw magbayad. Ang ginawa ng manager ng bangko, pina-blacklist siya sa Immigration,” ani Josephine.

Dahil dito ay hindi na muling nakabalik sa bansa si Mohammad hanggang sa tuluyan na rin silang mawalan ng komunikasyon ni Josephine.

Samantala, sa kagustuhan ni Sam na lumaki ang audience niya, nakipag-collaborate siya sa sikat na vlogger na si Erika Embang.

“Nag-PM sa akin. Sabi niya, gusto niya raw mag-YouTube para makita niya daw 'yung tatay niya. Para daw dumami 'yung subscribers niya. Marami makakita 'pag nanawagan.

“Everytime na mag-collab kami, nananawagan ako kung sino nakakita sa tatay niya,” ani Erika.

Matapos ang ilang taong paghihintay ay nakatanggap ng mensahe si Sam na mula umano sa kanyang ka-apelyido.

“Tinanong ko kung ano 'yung pangalan ng Papa niya. Sinagot niya, Mohammad Pervaiz daw,” lahad ni Sam.

Ito na kaya ang simula para mahanap ni Sam ang kanyang ama?

Alamin ang buong kwento sa espesyal na pagtatampok ng Kapuso Mo, Jessica Soho.