Showbiz News

Adrian Alandy, dumalo sa online filmmaking class ni Direk Adolf Alix Jr.

By Dianara Alegre

Unti-unti nang tinutupad ng aktor na si Adrian Alandy ang matagal na niyang pangarap na maging direktor.

Sa panayam ng 24 Oras, ibinahagi ng aktor na sumailalim siya sa filmmaking class ni award-winning director Adolf Alix Jr.

“Kakatapos lang nu'ng class namin two weeks ago. Tapos na rin 'yung short film na dinerek ko, konting editing na lang, scoring.

“Matagal ko nang dream actually 'yun, e. Almost 10 years ago na sinasabi na ko I want to somehow learn to direct,” aniya.

Source: Adrian_alandy (IG)

Samantala, bibida si Adrian sa bagong episode ng Wish Ko Lang na may pamagat na “Inilibing.” Kasama niya rito ang seasoned actress na si Jean Garcia at Vaness Del Moral.

Bagamat limitado ang kanilang mga galaw bilang pag-iingat at upang sundin ang anti-COVID-19 protocols, sinabi ni Adrian na nagawa nila nang maayos ang kanilang mga eksena, kahit pa sa mga mahihirap na tagpo.

“Pinakita pa rin namin 'yung pagiging…kumbaga sinaktan ko siya and kung paano ko i-push 'yung eksena na 'yon para makuha 'yung gusto ko. Guided naman kami ni Direk sa mga eksena na gano'n,” aniya.

Dagdag pa ni Vaness, maigting nilang sinunod ang safety precautions nang hindi naisaalang-alang ang takbo ng mga eksena.

“We had to take extra precautions du'n sa eksena. Kailangan talaga more more alcohol tsaka more more hugas ng kamay 'yung ginawa namin.

“Kasi du'n sa struggles, mayroong maghahawakan kami ng kamay, tapos hindi mo maiiwasan 'yung talagang magiging magkakaharap kami na malapit.

“Pero siyempre, before naman kami nag-taping, nag-test muna kami kung COVID positive ba kami or hindi,” lahad niya nang makapanayam ng 24 Oras.

Source: vanes_delmoral (IG)

Mapapanood ang “Inilibing” episode ng Wish Ko Lang ngayong Sabado, September 26.