Showbiz News

Nanay ni Lloyd Cadena na si Mother Kween, nagsalita na sa pagpanaw ng kanyang anak

By Aedrianne Acar

Buong tapang na humarap ang nanay ng yumaong YouTuber na si Lloyd Cadena na si Lorita Cadena or kilala bilang 'Mother Kween' na nagsalita sa unang pagkakataon tungkol sa biglaang pagpanaw ng kanyang anak.

Matatandaan na pumutok ang balita na namatay si Lloyd noong September 4 nang mag-post ng official statement ang pamilya ng sikat na vlogger gamit ang kanyang mga social media accounts.

Sa mga sumunod na pahayag kinumpirma ng Cadena family na namatay si Lloyd Cadena sa ospital matapos ang heart attack habang natutulog. Dinala ang content creator sa ospital, dahil nagpositibo din ito sa COVID-19.

Sa vlog ngayong araw, September 30 ni Mother Kween, sa kanyang YouTube channel, taos-puso ang pasasalamat ni Mommy Lorita sa natanggap nilang suporta mula sa mga kaibigan, fans, at fellow vloggers ni Lloyd.

Aniya, “Ngayon lang ako nagsalita, dahil ngayon ko lang kaya magsalita.

“Ayun, nandito na, nangyari na. Wala na tayo magawa, tsaka maraming salamat sa inyo.

“Maraming salamat sa mga prayers niyo at sa mga messages n'yo sa akin, sa nag-alala sa akin. Maraming salamat sa lahat ng mga influencers, sa mga kaibigan ni Lloyd sa Youtubers,”

Pinawi din ni Mommy Lorita ang pangamba nang iba na baka nahawa sila ng COVID-19, dahil nag-negatibo naman sila na mga nakasama ng kanyang anak sa test na ginawa sa kanilang lahat.

“Sa lahat na nag-alala sa amin tungkol sa nangyari kay Lloyd, nagpa-swab test kami sa loob ng bahay, tsaka sa awa naman, all negative result naman, kaya huwag kayo mag-alala sa amin.”

Sa isang bahagi ng vlog ni Mother Kween na may mahigit sa 150,000 views na as of writing, may paki-usap din si Mommy Lorita Cadena sa mga fake accounts niya online na naglalabas diumano ng statement tungkol sa pagkamatay ni Lloyd.

Binigyan-diin ni Mrs. Cadena na unang beses siya nagsalita tungkol sa nangyari sa anak sa pamamagitan ng kanyang 'Mother Kween Vlogs' channel ngayong Miyerkules.

Saad nito, “At tsaka 'yung mga ginagamit 'yung pangalan ko [Lorita], 'yung pangalan ni Lloyd huwag naman kayo ganun, kasi kami family. Sa akin na magulang, parang hindi naman maganda pakinggan na gamitin mo 'yung pangalan ko, una pa kayo salita sa akin.

“This is my first time na nagsalita 'di pa ako nagsalita, never pa. This is the first time, kasi may nababasa ako nagsasalita na ako dala ang pangalan ko.

“I-respeto naman natin 'yung si Lloyd, kasi mabait naman na bata 'yun sana matakot naman kayo sa karma.”

Panoorin ang buong pahayag ng nanay ni Lloyd Cadena sa video below.

Related content:

Lloyd Cadena's father vlogs his grief over son's death

Lloyd Cadena's family reveals cause of his death

IN PHOTOS: The joyful life of Lloyd Cadena