Showbiz News

Spin-off series ng 'Gameboys' na 'Pearl Next Door,' magsisimula na ngayong October

By Aaron Brennt Eusebio

Inamin ng bida ng online girls love (GL) series Pearl Next Door na si Adrianna So na mapapanood na ngayong October ang kanilang series subalit wala pang tiyak na petsa.

Nang makausap ng GMANetwork.com si Adrianna, kinuwento niya kung ano ang dapat abangan sa kanilang series na spin-off ng patok na boys love (BL) web series na Gameboys.

“Iikot naman siya siyempre sa mundo ni Pearl, kung ano 'yung different layers,” kuwento ni Adrianna.

“Kasi siyempre, nakikita ng tao na cheerleader si Pearl ng CaiReel, and super supportive siya.”

Ang karakter ni Adrianna na si Pearl ay unang nakilala sa Gameboys kung saan ex-girlfriend siya ni Gavreel (Kokoy de Santos) na kinalaunan ay naging number one supporter ng relasyon nina Gavreel at Cairo (Elijah Canlas).

“But then hindi nila nakikita 'yung other side ni Pearl, 'yung different side ni Pearl,” dagdag ni Adrianna.

“So dito sa series na 'to, 'yun 'yung ita-tackle mostly.”

Naikuwento rin ni Adrianna na ginawa ang karakter ni Pearl na isang 'gender-fluid,' o ang mga tao na hindi ina-identify ang kanilang sarili sa mga nakasanayang gender.

May isang episode kasi sa Gameboys kung saan sinabi ni Pearl na, “from Alden Richards to Catriona Gray” kaya nagkaroon ng hint ang mga tao about sa sexuality ni Pearl.

Kuwento ni Adrianna, “Actually, si Pearl naman po was created to be fluid from the get-go and then the story developed lang.”

Ngayong magkakaroon na ng sariling series si Pearl, magkakaroon kaya ng cameo sina Kokoy at Elijah?

“Hindi ko pa po alam kung magkakaroon sila ng cameo,” pag-amin ni Adrianna.

Makakasama ni Adrianna sa Pearl Next Door sina Rachel Coates, Iana Bernardez, Philip Hernandez, at Cedrick Juan.

Related content:

Adrianna So, inaming nahirapan sa 'Gameboys'

BASAHIN: Kokoy de Santos at Elijah Canlas, tinanggap ang 'Gameboys' dahil sa isa't isa