Showbiz News

Kim Domingo, umaming nakaranas ng anxiety dahil sa pagpanaw ng best friend

By Dianara Alegre

Hindi napigilan ni Kapuso actress Kim Domingo ang maiyak nang mapag-usapan ang best friend niyang binawain ng buhay dahil sa sakit na dulot ng tumor sa baga, nitong buwan ng Agosto.

Nang makapanayam ng 24 Oras, ibinahagi ng aktres na labis niyang dinamdam ang pagkawala ng kaibigan niyang itinuring niya nang kapatid.

Source: kimdomingo_ (IG)

Aniya pa, gumuho raw ang mundo niya nang mga panahong 'yon.

“Tuwing magkakaroon ako ngayon ng achievement, sabi ko pupunta ako lagi sa kanya. Dadalawin ko siya.

“Every achievement na mararating ko ngayon sabi ko alay ko 'yon sa kanya.

“Ang dami naming dreams. Tsaka sa lahat ng pangarap ko sa buhay talagang kasama na siya dun kasi hindi ko siya itinuring na parang kaibigan lang kasi part of the family talaga,” aniya.

Ikinuwento rin ni Kim na dahil dito ay nagkaroon siya ng anxiety at nakaranas ng clinical depression kaya kumonsulta siya sa isang specialist. At dahil sa tulong ng kanyang pamilya at mga kaibigan ay unti-unti siyang nakabangon sa pinagdaanan.

Samantala, kamakailan ay nag-pictorial si Kim para sa isang magazine at malaking achievement ito para sa kanya dahil dito umano nasalamin ang matagal niya nang inaasam na pagkalas sa sexy image.

“Nu'ng time na nandu'n pa ako sa sexy image, 'yung time na hindi ko pa masabi na parang ayoko na…tapos parang nasu-suffocate ako parang ano bang gagawin ko.

“Darating ka sa point na ganun e, na sasabihin mo na hindi ka na masaya dun sa isang bagay,” ani Kim.

Ngunit kahit naka-move on na image na ito, sinabi rin niyang hindi niya lubos na tatalikuran ang pinagmulan.

“Depende na lang din talaga kapag sobrang kailangan siguro. Pero hindi na katulad talaga ng dati. 'Yun 'yung hindi ko na talaga maibabalik,” sabi pa niya.